PAGASA: Walang bagyo, pero asahan pa rin ang maulang panahon
ILANG oras na lang, magno-Noche Buena na! Bago kayo umalis ng bahay, siguraduhing magdala ng payong at kapote.
Sinabi kasi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na uulanin pa rin ngayong araw, December 24, kahit wala nang bagyo sa loob ng ating bansa.
Ang nagdudulot nito ay ang dalawang weather systems na Northeast Monsoon o Amihan at Shear Line.
“Liban nalang po dito sa dating Bagyong Romina na wala na pong direktang epekto sa dalawang bahagi po ng ating bansa ay wala na po tayong mino-monitor na Low Pressure Area o bagyo sa loob at labas ng ating Philippine Area of Responsibility,” sey ni Weather Specialist Rhea Torres sa isang press briefing kaninang umaga.
Dahil sa Shear Line, mararanasan ang kalat-kalat na pag-ulan sa Eastern Visayas, Bicol Region, CALABARZON, at MIMAROPA.
Asahan naman ang Cloudy skies with rains sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Bulacan, at Nueva Ecija na dulot naman ng Northeast Monsoon.
Magdadala naman ng isolated light rains ang Amihan sa natitirang bahagi ng Luzon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.