PGMN host binatikos si QC Rep. Rillo sa umano’y anomalya sa P75-M project
Eleksyon 2025 - Bandera April 21, 2025 - 02:16 PM
BINATIKOS ng isang television host si Quezon City 4th District Rep. Marvin Rillo kaugnay ng umano’y iregularidad sa P75 million project na pagpapatayo ng isang multi-purpose building sa isang pampublikong mataas na paaralan.
Ang proyekto sa Carlos L. Albert High School ay nakaplanong isagawa sa tatlong bahagi na may kabuuang budget na P225 million.
Ayon kay Rillo sa isang social media post noong Marso, ang unang bahagi pa lamang ang natatapos at ito ay nagkakahalaga ng P75 million.
Gayunman, sa isang video na inupload nitong Abril, sinabi ng Peanut Gallery Media Network anchor na si CJ Hirro na sa kanyang pagsisiyasat sa mga opisyal na dokumento ng proyekto, partikular na ang bidding documents at ang billboard ng proyekto, walang detalyeng nagpapatungkol sa mga phase.
Baka Bet Mo: Bea ayaw munang makatambal si Dominic sa kahit anong proyekto: Parang mas magwu-work kami ng ganito
Ayon sa kanya, dapat malinaw na nakasaad ito sa “special conditions” ng bidding documents upang masiguro na tuloy-tuloy itong mapopondohan kahit magpalit ng administrasyon.
Dagdag pa niya, wala ring inilaan na pondo para sa ikalawa at ikatlong bahagi ng proyekto.
Tinukoy rin ng mamamahayag ang bahagi ng bidding documents na tinatawag na Bill of Quantities, kung saan nakalista ang mga item tulad ng ceiling reinforcements, mga bintana, pinto, at tiles.
Aniya, patunay ito na ang budget ay para sa isang tapos na gusali, at hindi lang para sa pundasyon at mga poste.
Sa isang text exchange sa INQUIRER.net nitong Sabado ng gabi, April 19, binanggit ni Rillo ang ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Marso na nagsabing: “Additional funding for Phase 2 of the project was immediately requested in the budget proposals for FY 2024 and 2025. However, no fund was appropriated.”
Inilabas ng ahensya ang pahayag bilang tugon sa kasong malversation na isinampa sa korte ng Citizens Crime Watch na may kinalaman sa nasabing proyekto.
Wala namang inilabas na dokumentaryong ebidensya ang DPWH para suportahan ang pahayag nito.
Ipinunto rin ni Rillo na ang mga bidding documents na nakuha mula sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) ay walang detalyadong plano para sa arkitektural, elektrikal, mekanikal, sanitasyon, at estruktura ng gusali.
Sey ni Rillo: “Nasa legal kami lahat, as certified by DPWH, unlike kay CJ Hirro. Hearsay siya.”
Bukod dito, binanggit din ni Rillo ang isang P43.88 milyong multi-purpose building sa Pook Daang Tubo sa Barangay UP Campus, Diliman.
Aniya, nagsimula ang proyekto noong February 2023 at dapat sana’y natapos noong December 2023, ngunit hanggang ngayon ay nasa 1.79 porsyento ng proyekto pa lamang ang natatapos.
Paliwanag ni Rillo: “Hindi pa nga napopondohan ’yun. Plano pa lang namin ’yun kasi UP property ’yan. Pinapa-aprub namin sa UP. ’Pag ok na sa UP, saka namin papopondohan.”
Pinangunahan ni Cong. Rillo ang groundbreaking ceremony para sa proyekto noong Marso 28, 2023.
“Iisa nanaman pong programa ang binaba natin sa Brgy. UP Campus kung saan tayo po ay magpapagawa ng Three Storey Multi-Purpose Building mula sa ating Pondo,” ani Rillo sa isang Facebook post tatlong araw matapos ang ground breaking ceremony.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.