Mahinang ulan asahan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Kapaskuhan –PAGASA
HUWAG kalimutang laging magdala ng payong at kapote ngayong Christmas Season.
Aasahan pa rin kasi ang minsanang mahinang pag-ulan sa ilang lugar kahit wala pang binabantayang bagyo sa ating bansa.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), dahil ito sa weather system na Northeast Monsoon o Hanging Amihan, pati na rin ang localized thunderstorms.
“Patuloy pa ring umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan dito sa bahagi ng Northern at Central Luzon,” sey ni Weather Specialist Grace Castañeda sa isang press briefing ngayong December 24.
Paliwanag niya, “Dala pa rin nito ‘yung malamig na panahon, maging ‘yung maulap na kalangitan at pag-ulan…kaya pag-iingat pa rin po sa mga kababayan sa posibilidad na pagbaha at pagguho ng baha.”
Samantala, generally fair weather condition ang mararanasan sa malaking bahagi ng bansa, maliban na lamang sa mga tsansa ng pag-ulan.
Base sa weather bulletin ng PAGASA, uulanin ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, Aurora, at Quezon dahil sa Amihan.
Asahan naman ang isolated rainshowers sa Bicol Region, Palawan, Visayas, at Mindanao na dulot naman ng localized thunderstorms at Easterlies.
May mahinang pag-ulan din daw sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon.
“Sa kasalukuyan, wala tayong mino-monitor or namamataan na sama ng panahon na maaaring makaapekto dito sa ating bansa,” ani ng weather bureau.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.