Robin Padilla sa hiwalayang Kathryn, Daniel: Magkakabalikan ‘yun!
KILALANG sweet lover si Senador Robin Padilla at masasabing beterano na pagdating sa larangan ng pag-ibig hanggang sa natagpuan na niya ang kanyang The One, si Mariel Rodriguez-Padilla na nabiyayaan sila ng dalawang anak, sina Isabela at Grabriela.
Kaya hiningan ng reaksyon ang senador tungkol sa hiwalayang Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
“Magkakabalikan ‘yun!” mabilis na sagot niya na ikinatawa ng lahat kasi nga inisip na nagbiro ang tiyuhin ng binata.
Paliwanag pa ng aktor, “Pag gumawa ng pelikula ‘yun magkakabalikan ‘yun. Ganu’n lang talaga sa tagal natin sa industriya, alam naman nating lahat ang ganyang partnership (o) loveteam ay dadaan talaga sa prosesong ganyan kasi nagma-mature sila.
Chika pa niya, “Nakikita (na) nila ang mundo, gaano kalawak ang mundo. Dati ang liit lang (ng) mundo (nila) mga bata ‘yan, tapos umusbong pa ang pag-ibig.
Baka Bet Mo: KathNiel never na raw magbabalikan; Daniel bibida sa bonggang serye?
“E, di wala ka ng nakikitang iba kundi ‘yung mukha nu’ng babae o mukha nu’ng lalaki, siyempre ngayon iba na, nag-mature na sila, siyempre iba na ‘yung mga project nila, maturity na, so, talagang expected pero ako alam kong magbabalikan ‘yan,” pagsisiguro ng tiyuhin ni DJ.
Ano naman ang maipapayo ni Binoe sa KathNiel.
“Sa kanilang dalawa, e, ngayong magkahiwalay kayo mag-enjoy kayo sa mga sarili n’yo. Habang nage-enjoy kayo ay doon ninyo malalaman na mahal ninyo ang isa’t isa,” saad ng actor-politician.
Inamin ding nanghinayang ang senador sa paghihiwalay nina Daniel at Kathryn at nagpapasalamat siya at buong angkan ng Padilla sa aktres.
“Alam naman ng Padilla na malaki ang aming pagbigay-pugay kay Kathryn dahil siya rin naman ang nagbigay ng break kay Daniel, alam naman naming lahat ‘yun.
“Kaya ang paggalang namin kay Kathryn sobra-sobra, totoo naman, siya ang nagbigay ng break kasi si Kathryn talaga ang bida alam naman natin ‘yun!” pagtatapat ni Senador Robin.
Sa intimate mediacon ng pelilkulang “Gringo: The Greg Honasan Story “na produced ng Borracho Films Production ay natanong kung kasama ba ang pamangking si Daniel dahil gusto ng binatang gumawa ng aksyon film.
Nagkasama ang mag-tiyuhin sa pelikulang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo,” 2014 at “Sa Ngalan ng Ama, Ina at mga Anak,” 2014 at possible bang maulit dito sa “Gringo: The Greg Honasan Story.”
“Kung sinabi ni Atty (Ferdie) Topacio na gusto niyang kunin si Daniel, kakausapin ko si Daniel pero ang hirap kasi ng mayroon na silang nakuha tapos papasok ako (na) artista din naman ako ayoko ng ganu’n,” pahayag ng aktor cum politiko.
Aniya pa, “Pero kung nu’ng una palang sinabi na nila sa akin gusto kong kasama si Daniel gagawin ko rin ‘yun.”
Samantala, walang inuurungan ang aktor pagdating sa aksyon pero sa biopic ng dating heneral at senador na si Gringo Honasan na malapit ng simulan ng aktor ay umaming hindi na raw niya kayang tumalon mula sa eroplano na ginawa noong 1986 coup d’etat ng heneral.
“Ewan ko ba sa kanila (producers) kung bakit. Gustung-gusto nila akong mag-aksyon, e, gusto ko ng drama maraming kissing scenes (nagkatawanan ang lahat ng kausap ng aktor),” saad ni Sen. Robin.
Dagdag niya, “Totoo kasi nu’ng ginawa naming ni Regine (Velasquez) ‘yung ‘Kailangan Ko’y Ikaw’ drama ‘yun, ako talaga gusto ko drama.”
“Kanina nga sinabi ng direktor (Lester Dimaranan) na nandito si Sir Robin Padilla lagyan namin ng aksyon, napa-ganu’n ako sa tuhod ko, bakit ba naman ganu’n ang reputasyon ko, pero siyempre hindi natin tatanggihan pero ngayon (Gringo) hayaan muna nating kumita ang mga stuntman (nagkatawanan ang lahat),” nakangiting saad nito.
Sa nakaraang ground training daw na ginawa nina Robin ay napuruhan ng husto ang tuhod niya at nagkaroon ng tubig kaya pinapa-drain niya ito at complete rest ang kailangan pero dahil sa maraming lakad na kailangang puntahan tulad nitong mediacon kaya ingat siya sa paglalakad lalo’t nakaka-anim na araw palang ito na dapat ay tatlong linggong pahinga ang kailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.