Igan kinontra si Bong Go, may resibo na hindi nakapaa si Duterte sa eroplano

Bong Go, Rodrigo Duterte at Arnold Clavio
TILA walang epek sa broadcast journalist at news anchor na si Arnold Clavio ang pambabarag sa kanya ng mga tagasuporta ni former President Rodrigo Duterte.
Sa kabila ng pamba-bash at pangnenega sa kanya ng mga netizens na kumakampi kay Duterte at patuloy pa rin si Igan sa pambebengga sa aniya’y mga fake news na naglalabasan ngayon sa social media.
Tulad na lang ng pagre-repost niya ng isang video clip ni Sen. Bong Go kung saan naglabas ito ng saloobin tungkol sa ginawang pag-aresto kay Digong kaugnay ng mga nagawa niya umanong “crimes against humanity”.
Awang-awa si Go kay sa dating presidente nang arestuhin ito at dalhin sa The Hague, Netherlands para doon harapin ang paglilitis sa mga kasong isinampa sa kanya ng ICC.
Kuwento ng senador, nakapaa lang daw si Duterte nang lumipad patungong The Netherlands.
“Alam n’yo ba wala siyang tsinelas? Pati tsinelas, pati tsinelas niya wala. Nakapaa. Huli naming pag-uusap nasa eroplano pa siya. Sabi ni Atty. (Salvador) Medialdea, nakapaa siya,” pahayag ni Go.
View this post on Instagram
Si Medialdea ay dating Executive Secretary at tumayong legal counsel ni Duterte sa Pre-Trial Chamber I noong Biyernes, March 14.
Humarap naman si Sen. Go sa publiko sa isinagawang prayer rally na “Bring Him Home: A Prayer for Tatay Digong” ng PDP-Laban sa Liwasang Bonifacio nitong Sabado, March 15.
Kuwento pa ng senador, hindi umano binibigyan ng gamot si Duterte habang nasa kustodiya ng ICC.
“Ikuwento ko lang sa inyo ‘yung huli kong balita kay Tatay Digong. Alam n’yo nakausap ko kaninang madaling araw si Atty. Medialdea pagkatapos ng hearing nila saka si Ma’am Honeylet.
“Kaya siya (Duterte) ganu’n magsalita (sa ICC Pre-Trial hearing), dalawang dahilan – maaaring nag-a-adjust siya sa oras at ang pinakamasakit sa lahat ‘yong sinabi sa akin ni Atty. Medialdea na hindi binibigay sa kanya ‘yung gamot niya.”
“Alam n’yo ba, ni hindi nga niya alam kung ano ‘yong gamot na iniinom niya, binibigay sa kanya ng nurse niya.”
“Anong gustong gawin nila kay Tatay Digong? Kung kaya nilang ipadala si Tatay Digong doon, gawan n’yo ng paraan kung paano siya ibalik dito,” aniya pa.
Kasunod nga nito, ipinost ni Igan ang short video ni Sen. Go tungkol sa sinabi nitong nakapaa lamang si Duterte nang ilipad siya patungong The Hague.
“EHEM : Makabagbag damdamin ang kuwento ni Sen. Bong Go sa lagay ng kanyang amo na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa prayer rally sa Liwasang Bonifacio,” ang simulang caption ni Arnold sa kanyang IG post.
Patuloy pa niya, “Mangiyak-ngiyak na ibinahagi ni Go na ayon kay Atty. Salvador Medialdea sa eroplano pa lang ay ‘WALANG SUOT NA TSINELAS’ si Duterte. ‘NAKAPAA SIYA,’ ayon sa Senador.
“Pero sa isang larawan, na sila rin ang nag-post, makikita na komportable sa kanyang pagkakaupo ang dating Pangulo at suot suot ang kanyang rubber shoes . Parehas sila ng suot na sapatos ni Medialdea.
“NAKA-RUBBER SHOES SIYA! Mr. Senator,” ang sey pa ni Igan gamit ang mga hashtag #labananangfakenews at #fakenews.
Samantala, nakatakda sa September 23, 2025 ang confirmation of charges hearing para sa dating pangulo na humaharap sa mga nagawang “crimes against humanity” na nag-ugat sa ipinatupad niyang war on drugs.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.