Robin handa nang makipagdebate sa Senado sa wikang Filipino: Hindi naman Amerikano ang mga kaharap ko para mag-English ako
HANDANG-HANDA na ang action star na si Robin Padilla sa pag-upo niya bilang isa sa 12 senador na nanalo sa nakaraang 2022 national elections.
Ngayong araw, personal na nagtungo sa Senado si Robin bilang bahagi ng kanyang paghahanda sa pagiging isang public official at mambabatas.
Siniguro ng asawa ni Mariel Rodriguez na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para masulit ang milyun-milyong boto na nakuha niya sa nagdaang eleksyon kung saan nag-number one nga siya sa senatorial race.
Sabi ni Binoe, mahalaga raw na maaral at malaman niya ang lahat ng mga pasikut-sikot sa Senado para kapag nagsimula na ang kanyang ternmino ay tuluy-tuloy na ang pagtatrabaho.
Bukod dito, sumalang na rin siya sa briefing sa ekonomiya, foreign policy at iba pang national issue.
In fairness, talagang siya ang humiling ng personal briefing sa Senate Legislative Department matapos bigyan ng rekomendasyon ng Development Academy of the Philippines (DAP).
Dito kasi siya naka-enroll sa isang programa kaugnay ng kanyang pagiging senador.
Sa isang panayam pagkatapos manalo sa halalan, nabanggit ni Robin na gusto sana niyang maging chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revisions of Code.
Paniniguro ni Robin, 100 percent na siyang handa sa paglilingkod sa bayan, “Lahat madali. Wala namang mahirap kasi gusto mong gawin eh.
“Kapag gusto mong gawin, madali lang iyon. Medyo ano lang, naninibago lang ako kasi hindi naman ako…summa cum laude ako sa cutting classes noong araw. Iba na ngayon. Ako na ngayon naghahanap ng gagawin,” pahayag ng actor-politician.
Ready na rin daw siya pakikipagdebate sa mga Senate hearing at muli niyang ipinagdiinan na Filipino ang gagamitin niya sa kanyang mga speech.
“Una, hindi naman Amerikano iyong mga kaharap ko para mag-English ako. Siguro kung Amerikano, well, I’m willing to debate. Pero mga Tagalog sila e, e di, Tagalog tayo,” katwiran ni Robin.
View this post on Instagram
Mensahe pa niya sa lahat ng mga nagtiwala sa kanya, “Sa mga bumoto sa akin at sa mga hindi bumoto, ako’y nandito upang irepresenta po kayo. Iyan ang aking role. Iyan ang binigay niyo sa aking mandato. Kung anumang ginagawa ko rito, hindi para sa akin kundi para sa inyo.
“Kung gusto natin talaga na magkaroon ng tunay na pagbabago, mga mahal kong kababayan, yakapin na natin talaga ang charter change,” aniya pa.
Noong panahon ng kampanya, isa sa mga laging binabanggit ni Robin ay ang pagbibigay-prayoridad sa pagsusulong sa pederalismo sa bansa.
https://bandera.inquirer.net/304682/robin-sawang-sawa-na-sa-kakaendorso-ng-politiko-kaya-tumakbo-nawalan-ng-trabaho-dahil-kay-duterte
https://bandera.inquirer.net/288054/payo-ni-robin-kay-kylie-sabi-ko-pag-muslimin-mo-na-lang-si-aljur
https://bandera.inquirer.net/298805/kylie-naiyak-nang-tanungin-ni-robin-so-wala-ba-talagang-pag-asa
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.