7 lumang simbahan sa Metro Manila na swak pang-‘Visita Iglesia’
TUWING sasapit ang Semana Santa, isa sa mga tradisyon ay ang “Visita Iglesia.”
Para sa mga hindi aware, isa ito sa mga taunang ginagawa ng mga Katoliko na bumisita sa pito o higit pang simbahan upang magdasal at magmuni-muni sa mga istasyon ng Krus.
Sa pamamagitan nito, ibinabandera ng mga deboto ang kahalagahan ng pananampalataya, pagninilay at pagpupugay sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus Kristo.
Sa Metro Manila, may pitong lumang simbahan na may malalim na kasaysayan at makabuluhang arkitektura na pwedeng bisitahin ngayong Holy Week.
Baka Bet Mo: Tradisyon, iba pang ganap ng mga celebrities tuwing Semana Santa
San Agustin Church (Maynila)
Ang San Agustin Church ay isa sa mga pinakamatandang simbahan sa Pilipinas na matatagpuan sa Intramuros, Maynila.
Ang simbahan ay gawa sa bato na kumpletong naitayo noong 1607 at idineklarang “UNESCO World Heritage Site” noong 1993.
Sa loob niyan ay ang Museo ng San Agustin na makikita ang mga relihiyosong kagamitan at artifacts.
The Manila Cathedral (Maynila)
Tulad ng San Agustin Church, ang The Manila Cathedral ang isa rin sa mga pinakalumang simbahan at pinakapinupuntahang simbahan sa Intramuros.
Itinayo ito noong 1571 ng mga Espanyol bilang parish church at naging cathedral noong 1581.
Ang simbahan ay walong beses nang nawasak at naggiba kung saan ang kasalukuyang gusali ng cathedral ay natapos noong 1958.
Santuario del Santo Cristo (San Juan)
Ang simbahan ng Santuario del Santo Cristo o mas kilala bilang Church of San Juan Del Monte sa San Juan City ay itinayo noong 1602 hanggang 1604 ng Dominicans sa lupaing dinonate sa kanila.
Ilang beses na rin itong nasira dahil sa mga mananakop ng ating bansa.
Una na itong nasunog dahil sa pag-aalsa ng mga Tsino noong 1639 at kalauna’y muling itinayo noong 1641.
Muli itong nawasak nang sinakop tayo ng Britanya sa maikling panahon noong 1763 at ito ay naitayo noong 1774 na nagsilbing tahanan ng mga Katipunero sa kasagsagan ng 1898 Philippine Revolution laban sa pagsakop ng mga Espanyol.
Nuestra Señora de Gracia Church (Makati)
Ang Nuestra Señora de Gracia Church o mas kilala bilang Guadalupe Church ay ang pinakamatandang simbahan sa Makati.
Ito ay sinimulang itinayo noong 1601 ng mga Augustinian at nakumpleto noong 1630 na naging pilgrimage site para sa mga deboto ng Lady of Guadalupe.
Baka Bet Mo: #MahalNaAraw2024: Mga Tradisyon tuwing Semana Santa
Parish of the Holy Sacrifice (Quezon City)
Ang Parish of the Holy Sacrifice ay matatagpuan sa loob ng University of the Philippines (UP) Diliman campus sa Quezon City.
Kilala ito sa kakaibang hugis ng simbahan at nagsisilbing sentro ng pananampalataya at kultura para sa mga taga-UP at ang kanilang komunidad.
Santissimo Rosario Parish (Maynila)
Matatagpuan sa University Belt ng Maynila ang Santissimo Rosario Parish o mas kilala bilang UST Church na isa rin sa mga pinakamatandang simbahan sa bansa.
Itinatag ito noong 1611 at sa orihinal nitong lugar sa Intramuros (ilang bloke ang layo mula sa lumang Santo Domingo Church).
Sa kasalukuyan, ito ay matatagpuan sa loob ng University of Santo Tomas na alma mater ng ilang bayani ng Pilipinas katulad nina Jose Rizal, Emilio Jacinto, Marcelo H. del Pilar at Apolinario Mabini, pati na rin ng ilang dating presidente ng bansa na sina Manuel Quezon, Sergio Osmena, Jose P. Laurel at Diosdado Macapagal.
Our Lady of Remedies Church (Maynila)
Kilala rin bilang Malate Church ang Our Lady of Remedies Church na isa sa mga pangunahing simbahan sa Maynila.
Itinatag ito noong 1588 at kilala sa kanyang makalumang arkitektura at mga mahahalagang religious artifacts.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.