Warning ng PAGASA ngayong Holy Week: ‘Mag-ingat dahil mas magiging mainit’
ILANG araw nalang, Holy Week na! For sure, marami sa inyo ang may lakad at bakasyon upang sulitin ang ilang araw na walang pasok.
Dahil diyan, may paalala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), lalo na’t idineklara na ang panahon ng tag-init.
Sinabi ni PAGASA chief Dr. Nathaniel Servando, magiging mas mainit at maalinsangan ang panahon kaya pinag-iingat ang mga kababayan sa posibleng maging epekto nito sa ating katawan.
“[Sa] Holy Week, karamihan sa atin ay magbabiyahe…advice sa ating mga kababayan na mag-ingat dahil inaasahan natin sa mga susunod na araw ay tataas ang temperatura kasabay ang mataas na maalisangan o relative humidity, mataas ang heat index,” sey ni Servando sa isang press conference.
Dagdag niya, “May kaakibat itong hazard o panganib sa ating health.”
Baka Bet Mo: Panahon ng ‘tag-init’…opisyal nang idineklara ng PAGASA
“[Para] maiwasan ito, sundin natin ‘yung mga suggested interventions – palaging mag-inom ng tubig, magdala ng payong, magsuot ng manipis na damit para maibsan ang epekto [ng init] sa ating katawan at ma-minimize ang tindi ng impact nito kagaya ng heatstroke,” paliwanag ng hepe ng ahensya.
Ano nga ba ang heastroke?
Ayon sa Department of Health (DOH), isa itong malubhang karamdaman na tumataas ng sobra ang temperatura ng katawan na dulot ng matagal na exposure sa mataas na temperatura.
Ilan sa mga madalas tamaan ng ganitong klaseng sakit ay ‘yung mga taong nagtatrabaho sa ilalim ng araw.
Sa madaling salita, ang heatstroke ay ang pag-o-overheat ng iyong katawan dahil sa matinding init.
Base naman sa datos ng PAGASA, magkakaroon ng heat stroke ang isang tao kapag umabot ang heat index ng 33 hanggang 54 degrees celsius.
Ang heat index ay ang init na nararamdaman sa katawan ng tao.
Kung maaalala, noong March 22 nang idineklara ng weather bureau ang pagsisimula ng “warm and dry season” o pahanon ng tag-init.
Ang ibig sabihin niyan, natapos na ang epekto ng Amihan o North East Monsoon na nagdadala ng “cool breeze” o malamig na hangin.
Ayon pa sa PAGASA, ang mainit na panahon ay magtatagal ng hanggang Mayo, pero posible pa rin ang mga pag-ulan pagdating ng hapon o gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.