Lito Lapid sa halikan nila ni Lorna Tolentino: ‘Ayaw sana namin kasi baka ma-bash kami’
TAWA nang tawa si Sen. Lito Lapid nang matanong tungkol sa pinag-usapang kissing scene nila ni Lorna Tolentino sa Kapamilya series na “FPJ’s Batang Quiapo.”
Nakachikahan ng ilang members ng entertainment media ang actor-public servant kahapon para sa kanyang annual early Chrismas party and thanksgiving para sa mga kaibigan niya sa press.
Bago magsimula ang short chikahan portion ay ipinalabas muna ang isang video clip na naglalaman ng ilang buwis-buhay na mga eksena ng senador sa “Batang Quiapo.”
Sa isang bahagi nito ay ipinakita ang halikan nila ni LT kaya natanong ng press people kung anong feeling na marami ang kiniling sa kissing scene nila ng award-winning actress.
“Yung kissing scene ng senior citizens na? Ha-hahahaha! Okay lang. Kasi ipinaalam naman sa akin ni Coco (Martin) na magkakaroon kami ng kissing scene ni Lorna.
“Alam niyo naman ang karakter ni Lorna, simpleng-simple saka walang mga tsismis, kahit ano. Malinis ang pangalan niya.
“Saka single naman siya, di ba? Saka walang problema. E, sabi ni Coco, may kiliti iyan. ‘At least yung mga sing-edad nyo, may love story pa raw,’ sabi niya.
“E, buti naman at kinagat naman. Kaya ang tawag sa amin ngayon, PriManda. Kasi Primo at Amanda,” pahayag ng veteran actor.
Paglalarawan naman niya kay Lorna bilang leading lady, “Okay naman, okay naman.”
Sa tanong kung pinaghandaan ng senador ang kissing scene nila ni LT, “Hindi, pareho naman ayaw namin kasi baka ma-bash kami, dahil parehong senior citizen naghahalikan pa! E, hindi naman, parang nagustuhan naman ng mga tao, tinanggap naman.
“Sabi ko nga kay Coco, ‘wag na, baka sabihin ng tao senior citizen na kami naghahalikan pa. Kasi sa mga pelikula ko noong araw, hindi ako nakikipag-kissing scene puro action lang ako,” aniya pa.
Parang sila raw ni LT ang young version nina Coco at Ivana Alawi sa “Batang Quiapo”, “Oo parang ganu’n. ‘Yun naman ang sinasabi ni Coco. Sabi ko ‘baka wala na kami rito, baka ma-bash-bash kami diyan.’ sabi niya, ‘hindi.’ Kamukha ng kay Angel Aquino, du’n sa Probinsyano, may kiliti din yon.”
Sa “Batang Quiapo” ang katambal naman ni Christopher de Leon ay si Lovi Poe kaya ang sundot na tanong kay Sen. Lapid ay kung gusto rin ba niya na magkaroon ng batang leading lady.
“Depende siguro sa istorya yan. Kasi, kamukha namin ni Lorna, nagsimula yung pag-iibigan namin ni Amanda, bata pa kami.
“Yung kay Lovi naman, ang istorya nila, si Tanggol at saka si Christopher, mag-ama, para pag-agawan ang isang babae. Du’n ang interes ng istorya. Depende sa istorya siguro. Gusto ko rin yan… bata, e!” ang natawang chika pa ng beteranong aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.