Pelikula nina Carlo at Charlie hindi lang basta romcom, may mas matinding ipinaglalaban; matutuwa ang LGBTQ community
HINDI lang basta romcom at love story ang pelikulang “Third World Romance” na pinagbibidahan ng real life sweethearts na sina Carlo Aquino at Charlie Dizon.
Sinisiguro ng dalawang bida sa pelikula, pati na ng kanilang direktor na si Dwein Ruedas Baltazar na may mas matindi pa silang ipinaglalaban sa kuwento ni Britney, isang outspoken grocery cashier at ni Alvin na isa namang dakilang grocery bagger.
“Ayaw na nating mag-tiptoe sa economic crisis, sa class divide. It’s about time, hinihingi na siya ng panahon. Ito na lang yung way para pag-usapan siya. Kailangan natin siyang harapin. Sana mas accessible sa madla,” pahayag ni Direk Dwein sa naganap na presscon ng “Third World Romance.”
Aniya pa, “Kaya tayo naglalagay ng love story at the very front of it, siyempre ang background natin ang gusto natin sabihin, hinihingi siya ng panahon. Sa akin, personally, hinihingi ako na tumindig at magsalita.”
View this post on Instagram
Sabi naman ni Carlo, tiyak na maraming makaka-relate, mai-inspire, kikiligin at matututo sa kuwento ng first movie nila together ni Charlie.
“Si Britney, she speaks her mind. So that pakiramdam ko ang dinadaing ng bawat mamamayang Pilipino masasabi niya dito.
“Importante ma-convey ang message kasi lead characters namin hirap lumaban, kapag simpleng mamamayan ka, tapos hindi mo alam kanino ka lalaban,” pahayag ni Carlo.
“Sana mapanood ng lahat ang pelikula para makita nila may karapatan ka lumaban at malaman mo madami ang hirap sa buhay, madami sa bansa and need mag-survive everday. Mapapanood mo paano tinatawid bawat araw,” sey naman ni Charlie.
Chika pa ni Direk Dwein, “Bukod sa hindi ka nag-iisa, sabay natin labanan, sabay tayo may gawin at tumindig.”
Dugtong pa niya, hindi siya gumamit ng mga typical romcom ingredients at medyo binali nila yung mga karaniwang ginagawa ng mga bida sa mga ganitong klase ng pelikula.
“Dapat hindi, dapat lumalaban tayo kasi mas deserve natin ‘yung tamang wage o kung ano man. Ako as a director may treatment, na I wanted it grounded on reality.
“Hindi siya presented as romcom-romcom. May kilig pero iniwasan ko gumamit ng slow motion, kasi ito yung madalas makita sa romance movie na tumigil-mundo, nag-slowmo lahat. Let’s ground it to reality, yung totoo lang,” mariin pang punto ng direktor.
View this post on Instagram
Samantala, sa mga nagtatanong naman kung bakit puro transwoman at drag queen ang supporting cast ng pelikula tulad nina Iyah Mina, Esnyr, Lady Morgana at Naia, may sagot din diyan ang direktor.
“Parte sila ng pamilya ng protagonist. Sila buong pamilya ni Caloy. Isang normal na queer family. I needed to normalize that as an ally. I don’t want it to be a big of a deal. Hindi lang siya nilagay para may lightness. Gusto ko gumawa ng statement.
“Kailangan at kailangan ng visibility ng mga kapatid natin sa community. Nato-tolerate lang eh, as people but iba ‘yung pagtanggap sa tolerate. More than that matanggap ito sa lipunan.
“Kung tanggap na talaga, sana parehas na ng karapatan. Sana may LGBTQIA+ community na pwede na mag-asawa, same sa ating cis gender,” paliwanag niya.
Showing na sa mga sinehan nationwide ang “Third World Romance” simula sa August 16 at ito rin ang magiging closing film sa Cinemalaya 2023.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.