‘Egay’ papalabas na ng bansa, Wind Signals binawasan na; bagong LPA binabantayan sa Mindanao –PAGASA
UNTING-UNTI nang lumalayo ang Bagyong Egay sa ating bansa.
‘Yan ang latest update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong araw, July 27.
Ayon pa nga sa weather bureau ay anumang oras pupwede nang lumabas sa ating teritoryo ang bagyo, ngunit ito ay patuloy pa rin na magpapaulan sa ilang bahagi ng Luzon.
“Sa ating latest satellite animation, patuloy pa rin ang direktang epekto ni Egay habang lumalayo sa ating kalupaan,” sey ni Weather Specialist Benison Estareja sa isang press briefing kaninang umaga
Paliwanag pa niya, “Base sa ating latest track, posibleng lumabas na ng ating Area of Responsibility pagsapit ng tanghali.”
“However, given po na itong radius ni Bagyong Egay na nasa 600 kilometers, kapag lumabas na ng PAR, mahahagip pa rin po ng malakas na hangin ang malaking bahagi po ng Northern Luzon,” sambit niya.
Baka Bet Mo: PAGASA: Asahan ang 3 hanggang 4 na bagyo ngayong Hulyo
Aniya pa, “So magtataas pa rin po tayo dito ng Tropical Cyclone Wind Signals ngayong araw kahit nasa labas na ito ng PAR.”
Huling namataan ang bagyo sa layong 195 kilometers kanluran ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas na hangin na 150 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 185 kilometers per hour.
Kasalukuyang kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometers per hour papunta sa hilaga.
As of this writing ay nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa ilang bahagi ng Luzon.
Kabilang na riyan ang Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte, at northern and central portion ng Ilocos Sur.
Habang ang mga nasa Signal No. 1 ay ang Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Mountain Province, Ifugao, Benguet, ang nalalabing bahagi ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, at northern portion ng Zambales.
Nabanggit din ng PAGASA na bukod sa Bagyong Egay ay may binabantayan silang bagong sama ng panahon sa labas ng Mindanao.
Ito ang Low Pressure Area na posibleng pumasok ng ating teritoryo at maging isang bagyo na tatawaging “Falcon.”
“Habang nasa labas ito ng ating PAR in the next two days, mataas ang tsansa na ito ay maging isang bagyo or Tropical Depression,” tugon ni Estareja.
Ani pa ng weather specialist, “Kung saka-sakali po na papasok ito pagsapit ng Sabado ay tatawagin na ito na Falcon o magiging pang-anim na bagyo ngayong 2023 at pangatlo for the Month of July.”
Read more:
El Niño idineklara na sa bansa, magtatagal hanggang 2024 –PAGASA
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.