Marissa Sanchez sa puksaang Vic-Darryl: Nasasaktan ako for the kids
ISA ang singer/actress na si Marissa Sanchez sa natanungan ng media tungkol sa post ni Direk Darryl Yap na teaser para sa pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma”.
Ito kasi ang mainit na pinag-uusapan ngayon sa apat na sulok ng showbiz kaya hindi maiwasang hindi hingan ng opinyon ang aktres tungkol dito.
Nakausap naming si Marissa sa ginanap na announcement ng Filipino producers na Balin Remjus Inc. at Great Media Productions, Inc. na ang stage play na “Nasaan si Hesus”, na isinulat ng yumaong entertainment editor na si Nestor U. Torre ay gagawin ng pelikula mula sa mga kantang nilikha ni Mrs. Lourdes “Bing” Pimentel.
Nalungkot at nagulat ang unang reaksyon ni Marissa nang makita ito lalo’t pamilyadong tao si Vic Sotto at may mga maliliit pang mga anak.
Aniya, “As a mom, nasasaktan ako for the kids. Dapat hindi (inilabas).”
Kung sakaling magkita o magkasalubong sila ni direk Darryl ay ano ang puwede niyang sabihin.
Tumawang sabi ni Marissa, “Hi direk good afternoon!”
Klinaro ng singer/actress na wala siya sa lugar na magbigay ng anumang payo o salita sa direktor dahil hindi naman sila close.
“Pero kung super close ko, yes. Hypothetical question ba ito? I would give unsolicited advice kasi as a mom, ang hurt ko hindi naman kay Pauleen, kay TVJ (Tito Vic and Joey) o kay bossing (Vic), e, for Tali (eldest daughter ni Vic) at sa other daughter (Baby Mochi) sa akin ito ha from my opinion ko,” saad ni Marissa.
Base sa post ni direk Darryl ay teaser lang ito at pag napanood ang pelikula ay malalaman ang buong pangyayari.
“Oo, pero una kasi ang una mong titingnan sa tao is the motive. Ano ang motive mo? Kung ang motive mo ay to gain views or lumakas ka sa social media, for me is wrong.
“Depende nga sa motive ng tao, so, I cannot judge direk Darryl kung anuman ang motive niya, pero kung ang motive niya is para maging maingay siya, parang maging sensational, hindi na nga ngayon talent, eh, it’s more on followers na. So kung more on followers ang intension mo para gawin ‘yun, for me it’s unfair.
“Hindi pa natin nakakausap si direk Darryl, alamin muna natin kung ano ang intension niya,” opinyon ni Marissa.
Kasama si ang aktres/direktor na si Gina Alajar sa main cast ng pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” at sa kanya rin nanggaling ang pangalang Vic Sotto habang tinatanong niya si Rhed Bustamante bilang si Pepsi Paloma kung na-rape siya nito.
”My ninang Gina, depende rin sa motive niya kung bakit niya tinanggap (ang pelikula) at kung bakit sya pumayag na sabihin ‘yun, so, I cannot also judge ninang Gina, she’s my godmother (and) I believe she’s a good hearted person, so, I still don’t know I cannot talk in her behalf kung ano ‘yung intension niya kung bakit siya pumayag sabihin ‘yun,”paliwanag ni Marissa.
Samantala, tungkol sa musical movie na “Nasaan si Hesus” ay nakatakda itong i-shoot sa huling linggo ng Enero at ipalalabas bago mag-eleksyon dahil part of the story ay may kinalaman sa politika.
Ang mga bida ay sina Rachel Alejandro, Geneva Cruz, Janno Gibbs, Jeffrey Hidalgo, Rachel Gabreza ng Tawag ng Tanghalan, Gianni Sarita ng The Voice Kids, at si Marissa.
Ang kuwento ng “Nasaan si Hesus?” ay umiikot sa mga problema ng mga nakatira sa isang pamayanan tungkol sa pamilya, pera, pag-ibig, trabaho, at pulitika. Haharap ang mga karakter sa mga tukso at ang kanilang pananalig sa Diyos ay masusubok. Ang kuwento ng kanilang mga buhay ay bibigyang drama at kulay ng mga kanta na ang himig at titik ay nilikha ni Mrs. Bing Pimentel, maybahay ng yumaong Senador Aquilino, “Nene” Pimentel, Jr.
Si Nanay Bing, kung siya ay tawagin, ay isang civic leader na mayroong natural na talent sa paglikha ng mga kanta. Aniya, “Gusto namin isapelikula ang ‘Nasaan si Hesus?’ para magbigay ng impormasyon at inspirasyon. Ito’y paraan para magbigay papuri, pasasalamat, at magdasal. Ang Diyos ay nariyan lang kung bubuksan natin ang ating puso at isipan.”
Higit nang dalawang dekada mula noong unang ipalabas sa entablado ang “Nasaan si Hesus?”. Higit sa 80 performances ang naiprodyus para sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at iba pang mga manonood sa buong Pilipinas.
Katuwang ni Mrs. Pimentel sina writer-director Dennis Marasigan, musical director-arranger na si TJ Ramos sa pag-update ng dula para sa digital age. “Tatalakayin ng pelikula kung paano magiging mas matatag ang mga tao sa kabila ng mga pagsubok sa makabagong panahon.”
Sa tanong kay Marissa kung masasagot sa pelikula kung Nasaan si Hesus?
“I think, sa gist ng movie, I think masasagot, but it’s unknown yet. The only excitement that I feel about this movie is the good testimony for people to know Christ in a truthful manner.
“Para sa akin kung naha-hype si Christ as God and Savior na nagkatawang tao at namatay sa mga kasalanan natin, go ako ro’n!
“But if it’s align in a different perspective parang sa akin hindi ko tatanggapin ito (movie). Kung sasabihing ‘Jesus is human, not God’ hindi ko tatanggapin,” esplika ni Marissa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.