Guarantor sa utang nabiktima ni kumare…mga dapat tandaan para iwas-abala, sey ng ‘CIA with BA’
DUMULOG ang isang babae sa “CIA with BA” matapos maging guarantor sa utang ng kanyang kumare na nagkakahalaga ng P280,000.
Lumapit si Aneesha (biktima) sa segment na “Payong Kapatid,” base sa replay episode na ipinalabas nitong Hulyo 16, dahil sa kasamaang-palad, hindi na mahagilap ang kumare niya.
Hindi ito nagbayad sa utang kaya siya na ang siningil ng nagpautang. Kinailangan niyang humiram ng pera kung kani-kanino para mabayaran ang malaking halaga.
Nilatag naman ng magkapatid na Sen. Alan Peter at Sen. Pia Cayetano, kasama ang TV host na si Boy Abunda, sa biktima at sa mga manonood ang mga tuntunin na dapat tandaan kung pipirma bilang guarantor sa isang loan agreement.
“Rule number one, isipin mo na na ikaw ang magbabayad,” ayon kay Sen. Alan.
“Rule number two, i-guarantee mo ‘yung kaya mo lang,” pagpapatuloy niya.
“Rule number three, kumuha ka ng sarili mong guarantee, which is not necessarily a guarantor. What is that guarantee? Kung meron siyang isasangla sa ‘yo,” paliwanag pa niya.
Baka Bet Mo: Payo ng ‘CIA with BA’ sa mga tatay na patuloy na nagsasakripisyo para sa pamilya: ‘Laban lang!’
Dagdag naman ni Sen. Pia, mahalagang malinaw na nasasaad sa kasunduan kung ano ang talagang i-garantiya ng isang guarantor kung sakaling ang aktwal na nangungutang ay hindi na makabayad.
“Principal ba? Interes ba? Kahit one paragraph lang ‘yan, napakahalaga niyan,” sabi niya.
Bago matapos ang segment, nangako ang mga host na tutulungan si Aneesha sa legal at praktikal na paraan upang makabayad siya sa kanyang mga pinagkakautangan.
“It’s a painful lesson but sometimes the most painful lesson—pinakamatatamis naman ‘yung bunga pag natutunan na natin ‘yung lesson na ‘yon,” sabi ni Sen. Alan.
Ang “CIA with BA” ay pagpapatuloy ng nasimulang misyon ni Sen. Rene Cayetano, ang yumaong ama nina Senador Alan Peter at Pia.
Si Sen. Rene ang orihinal na abogadong nagbibigay ng legal advice sa telebisyon at siyang host ng sikat na programang Compañero y Compañera noong 1997 hanggang 2001.
Panoorin ng “CIA with BA” tuwing Linggo, 11:30 ng gabi sa GMA 7.
‘Ina laban sa anak’: Mga isyu sa relasyon ng pamilya tutugunan ng ‘CIA with BA’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.