Ate Guy umaming nagkasala kay Gina Alajar: ‘Pero napatawad na niya ako, isa siyang mapagmahal na direktor, artista at kumare’
INAMIN ng National Artist at nag-iisang Superstar na si Nora Aunor na nagkasala siya noon sa premyadong aktres at direktor na si Gina Alajar.
Sa story conference ng pelikulang “Pieta” last February 4, ay mahigpit na nagyakapan sina Ate Guy at Direk Gina. Talagang na-miss nila ang isa’t isa matapos hindi magkita nang matagal na panahon.
Si Gina ang gaganap na BFF ng Superstar sa pelikulang “Pieta” na ididirek ni Adolf Alix kung saan makakasama rin nila ang award-winning actor at public servant na si Alfred Vargas.
“Natutuwa ako dahil kasama ko na naman ang kumare ko,” ang excited na sabi ni Direk Gina habang nakatingin kay Ate Guy.
Ayon kay Gina, nagkasama sila ni Nora sa limang pelikula, ang “My Little Brown Girl” (1972), “Condemned” (1984), “Bulaklak ng City Jail” (1984), “Tatlong Ina, Isang Anak” (1987), at “Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina?” (1990).
“Du’n sa Tatlong Ina, Isang Anak, beybing-baby pa si Lotlot (de Leon). My Little Brown Girl, mare, Nora-Tirso (Cruz III) pa noon. Sampaguita Pictures. Fourteen years old ako noon, mare,” ang pagpapaalala ni Gina kay Nora.
View this post on Instagram
Itinama naman ni Ate Guy ang sinabi ng actress-director, 12 years old pa lang daw noon si Gina at hindi 14. Sagot ni Direl Gina, “Ah, 12… 12… tama. Parang ganu’n. Oo, yeah, nag-aaral ka pa noon e. From school, nagpupunta ka sa shooting. Nag-aaway pa kayo ni Tirso.”
Si Gina ang direktor ng huling serye ni Nora sa GMA, ang “Onanay” na umere noong August, 2018 na pinagbidahan din nina Jo Berry, Cherie Gil, Mikee Quintos, Kate Valdez, Wendell Ramos at Gardo Versoza.
Pagbabalik-tanaw ni Ate Guy, “Nu’ng Onanay po namin, may eksena ako na iiyak dahil namatay si Gardo, yung kapatid ko. Ay! Hindi ako makaiyak pagdating sa mga ganyan.
“Nilapitan ko si Direk. Sabi ko, ‘Direk, ninenerbiyos ako, hindi ko alam kung ano ang gagawin kong iyak.’
“Kasi alam kong hindi ako makakaiyak, baka mamaya, sa sarili ko, kaplastikan ang ipapakita ko? E, hindi pwedeng ganu’n. Kailangan totoo at nararamdaman ko kung ano ang gagawin ko lalo na pag iyakan at drama talaga.
“Tapos, sabi sa akin…ewan ko, ano ba ang ginawa mo sa akin at napaiyak ako talaga?” sey ni Ate Guy kay Direk Gina.
Sey naman ni Direk Gina, “Inakbayan yata kita.”
Reaksyon ni Ate Guy, “Inakbayan ako. May sinabi sa akin si Mare tapos pinisil ang kamay ko. Ayun, naiyak na ako, ‘Sige na, sige na,’ sabi niyang ganu’n. ‘Take na tayo, take na tayo!’ sabi niya.
“Sa awa ng Diyos, nakuha ko naman po iyong pinapagawa sa akin ni Direk. At nagpapasalamat ho ako dahil nagustuhan ng mga nakapanood yung eksena namin na yun, yung emosyon.
“Kaya thank you, Direk, thank you very much. Dito, hihintayin ko uli yung pagtuturo mo sa akin, ha?” aniya pa.
Inamin din ni Ate Guy na sumama dati ang loob ni Direk Gina sa kanya, “May kasalanan akong nagawa sa kanya, na totoo naman, aminado ako na kasalanan ko naman.
“Pero kinausap niya ako at marunong siyang magpatawad sa kapwa. Iyon ang gusto kong sabihin sa kanya na… yun ang kumare ko, na marunong umintindi, maunawain at mapagmahal na direktor at artista at kumare,” pahayag ni Ate Guy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.