Daniel Padilla bibida sa tatlong pelikula, makakasama sina John Arcilla, Zanjoe Marudo, at Kathryn Bernardo
MULING magbabalik sa paggawa ng pelikula ang aktor na si Daniel Padilla at hindi lang isa kundi tatlong malalaking pelikula ang gagawin nito ngayong taon.
Ito ang ibinahagi ng aktor nitong Huwebes, April 27 sa panayam niya sa “New Movie Alert” na mapapanood sa ABS-CBN Star Cinema YouTube channel, isang araw matapos ang kanyang 28th birthday.
Matagal na rin buhat nang gumawa ng pelikula si Daniel kaya naman talagang excited siya sa kanyang upcoming projects.
“Very excited, siyempre it’s been a while. Itong mga proyekto na gagawin natin ngayon is handpicked, nag-usap talaga kami [ng ABS-CBN] na-feel din nila yung gusto kong gawin.
Maybe now is the perfect time,” pagbabahagi ni Daniel.
Una sa mga proyektong kanyang gagawin ay ang pelikulang pinamagatang “The Guest” kung saan makakasama niya ang award-winning actor na si John Arcilla.
Isang psychological suspense thriller ang pelikula at bukod sa exciting ito ang kwento, labis na nagpa-hype kay Daniel ang malamang makakasama niya for the first time ang beteranong aktor.
“I’m so very happy and honored na makakasama ko rito si Sir John Arcilla.
“I am very excited na gawin tong film kasi napakahusay na aktor, and kung ganyan ang makakatrabaho mo, it just pushes you to do better pa,” saad ni Daniel.
Kuwento pa niya, nang una raw niyang mabasa at malaman ang istorya ng “The Guest” ay talagang nagustuhan na niya ito.
“Matagal ko nang gustong gawin ito. I’m a fan of thrillers, suspense, kumbaga mind f**k. Matagal na akong naghahanap ng [ganitong project],” sey ni Daniel.
Ang naturang pelikula ay mula sa direksyon ni Direk Jerrold Tarog at written by Patrick Valencio.
Baka Bet Mo: Kathryn, Daniel, Coco, Anne pasok sa top celebrity taxpayer ng 2022, pinarangalan ng BIR
Ang sumunod namang pelikula ng binata ay ang “Nang Mapagod Si Kamatayan” na hango mula sa short story sa libro ni Ricky Lee na “Kung Alam Niyo Lang Ang Gagamitin sa Pelikula”.
Excited rin si Daniel na gawin ang proyekto dahil ito ang unang pagkakataon na magsasama sila ng kanyang kaibigang si Zanjoe Marudo.
“Matagal na kaming nangangarap ni Z kasi na gumawa ng pelikula. Kaya noong binanggit itong [project] na ito sa akin, sino ba yung gusto kong makasama rito? Alisin na natin yung pagkakaibigan, bilang aktor lang alam natin na si Z, yung standard niya sa pag-arte.
“Kaya kesa isipin ko na dahil kaibigan ko siya kaya kami magkasama dito, hindi, yung kalidad ng ginagawa ni Z [yung dahilan ko],” sey ni Daniel.
Maski nga si Zanjoe ay masaya sa kanyang comeback dahil kasama nito ang kaibigan.
“Masayang-masaya ako dahil ito yung comeback movie ko sa Star Cinema. Siguro after four or five years yung huli kong project sa kanila,” lahad ng kaibigan ni Daniel.
“Sobrang espesyal din nito kasi matalik na kaibigan at kapatid ko yung makakasama ko sa pelikula. Masayang-masaya ako na mapasama sa project na ito,” dagdag pa ni Zanjoe.
Ang pelikulang pagsasamahan nina Daniel at Zanjoe ay mula sa direksyon ni Dan Villegas at panulat ni Carmi Raymundo.
Ang huli namang pelikulang gagawin nito ay kasama ang kanyang real life girlfriend na si Kathryn Bernardo.
Matatandaang kinumpirma ba noon ni Kath na tuloy na tuloy na ang pelikula nila ni Daniel sa direksyon ni Cathy Garcia-Molina.
Sey nga ng binata, hindi mawawala ang project nila together ng dyowa lalo na’t matagal na rin silang kinukulit ni Direk Cathy.
“It’s been a while, galing kaming serye [2 Good 2 Be True], pero it’s been a while na makita tayo sa box office ulit. Masyado nang nakaka-miss manood ng pelikula ulit,” chika ni Daniel.
Pag-amin pa ng aktor, hindi raw natuloy noon ang istorya ng dapat nilang gagawin pero ngayon ay sure na sure nang tuloy ang gagawin nila.
“May mga rason yung mga bagay, e, kaya hindi natutuloy o hindi man nangyayari. Alam ko na yung storyline pero hindi ko pa masasabi. Pero ito na talaga yung gagawin, totoo na to,” dagdag pa ni Daniel.
Related Chika:
Daniel Padilla, Kathryn Bernardo handang-handa nang sumabak sa bagong challenge ngayong 2023, may pa-surprise kaya sa V-Day?
Naba-bad trip nga ba si Seth Fedelin kapag sinasabing ginagaya niya si Daniel Padilla?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.