Boss Toyo binili ng P1-M ang mahalagang pag-aari ni Billy Crawford

Billy Crawford at Boss Toyo
ISANG napakahalagang pag-aari pala ni Billy Crawford ang pinakamahal na nabili ng “Pinoy Pawnstar” at content creator na si Boss Toyo.
Iyan ang naging rebelasyon ni Boss Toyo o Jayson Luzadas sa tunay na buhay nang matanong kung ano ang most expensive item na nabili niya sa “Pinoy Pawnstar” vlog niya sa YouTube.
Sa guesting ni Boss Toyo sa Kapuso morning show na “Unang Hirit” kamakailan ay ibinandera nga niya na
ang pinakamahal na gamit na ibinenta sa kanya ay nagkakahalaga ng P1 milyon.
Kuwento ni Boss Toyo, two weeks ago, binili niya ang double platinum award ni Billy para sa kinanta nitong theme song ng first ever “Pokemon” movie.
Samantala, kung darating ang araw na magkaroon ng lindol at may kailangan siyang i-save sa kanyang collection, baka raw ang polo na ginamit ng yumaong Master Rapper na si Francis Magalona sa MTV ng kantang “Bagsakan MTV.
Nais din daw niyang isalba ang jersey na ibinigay ni Francis sa isang taong “special” sa kanya.
Pero kung siya naman ang magbebenta ng kanyang gamit, ano kaya ito at magkano niya pepresyuhan?
“Siguro polo shirt ko na sira-sira. Kasi ‘yon yung (suot ko nang) nasaksak ako before, may blood stain,” sagot ni Boss Toyo. Itinago raw niya ito at hindi nilabhan pero hindi na niya maalala kung saan niya itinago.
“Kapag nakita ko ‘yun, ibebenta ko talaga yon sa halagang P500,000,” aniya.
Kasunod nito, ni-reveal din ng vlogger kung bakit Boss Toyo ang tawag sa kanya. Lagi raw kasi noong nasa kalye. “Sapi” raw ang unang bansag sa kanya ng mga taong nakakasalamuha niya hanggang sa nauwi sa “toyo” at naging Boss Toyo.
Matatandaang sa panayam sa kanya noon ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” ay inamin niyang isa siyang ampon na nagrebelde at naging adik, snatcher ay basagulero.
Natuto rin siyang magnakaw para may magastos sa kanyang mga bisyo na naging dahilan para hindi siya makatapos ng pag-aaral.
Nagbago lang daw ang takbo ng buhay niya nang magkasakit at mag-agaw buhay nang tamaan ng dengue. Pagkatapos nito, naging delivery boy siya at nagkaroon ng direksyon ang buhay.
Dahil sa kanyang pagsisikap at pagsisipag, nakaahon siya sa hirap hanggang sa matagpuan ang kanyang “forever” sa katauhan ng asawa na niya ngayong si Loves Joy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.