Joel Lamangan agaw-eksena sa 'FPJ's Batang Quiapo', malaki nga ba ang talent fee? | Bandera

Joel Lamangan agaw-eksena sa ‘FPJ’s Batang Quiapo’, malaki nga ba ang talent fee?

Reggee Bonoan - February 25, 2023 - 07:36 PM

Joel Lamangan agaw-eksena sa 'FPJ's Batang Quiapo', malaki nga ba ang talent fee?
NAGULAT kami sa biglang pagsulpot ng direktor na si Joel Lamangan sa TV series na “FPJ’s Batang Quiapo” nitong nakaraaang tatlong araw sa karakter na Rhoda na may-ari ng mga puwestong inuupahan nina Charo Santos-Concio at Cherry Pie Picache sa Quiapo.

Sinabihan ni direk Joel na magtataas siya ng upa sa mga umuupa sa kanya at namumukod tanging si Charo bilang si Tindeng ang umalma dahil mahina na nga raw ang kita ay magtataas pa at hindi rin nito nagustuhan ang sagot sa kanya ni Rhoda (direk Joel) na umalis na lang sa puwesto kung hindi kayang magbayad.

Napikon na si Tindeng bilang Batang Quiapo na rin dahil ang panghuhula at pagtitinda nila ng anak na si Cherry Pie ang kinamulatan na niya kaya naglabas siya ng balisong at akmang sasaksakin si direk Joel bukod pa sa binato niya ng gulay at tinamaan na ikinabigla nito at nangakong magdedemanda siya.

Kaya sa premiere night ng pelikulang Oras de Peligro ay natanong ang direktor kung bakit niya tinanggap ang karakter na Rhoda.

“Malaki ang talent fee!” seryosong sabi ng direktor.

At saka sinabi ng direktor na dati naman siyang artista bago siya naging direktor at nami-miss niyang umarte.

Natanong kung kumusta ang confrontation nila ni Charo na talagang sigawan at walang gustong magpa-ilalim

“Magkaibigan naman kami nun. Binato niya ako, nagtawanan kami after. Asintado siya! Naasinta niya ang batok ko. Ang galing-galing niya. Ha! Ha! Ha!” tawa nang tawang sabi ni direk Joel.

At dahil tutuluyan ni Rhoda (direk Joel) ang demanda kina Tindeng (Charo) at Cherry Pie (Marites) ay nakarating na siya sa presinto at nagsumbong sa hepe na magsasampa siya ng reklamo at narinig itong lahat ni John Estrada as Rigor kaya may may follow-up scene ulit ang direktor.

Ngayong araw, Sabado, anibersaryo ng 1986 Edsa Revolution ang taping ni direk Joel sa Quiapo.

Sabi nito sa panayam, “May bahay na ako. Sa bahay ko supposedly naman kukunan ang eksena.”

Nasa “Batang Quiapo” si Cherry Pie na pangunahing bida sa pelikulang Oras de Peligro.

Samantala, inamin ng direktor na marami siyang natatanggap na death threat dahil sa paggawa niya ng mga pelikulang anti-Marcos lalo’t inamin niyang isa siyang aktibista pero hindi na raw siya natatakot.

“Kasi kung matatakot ako, sino pa ang gagawa ng ganitong pelikulang pantapat sa kanila? Ang pagsasabi ba ng totoo ay dapat na ikatakot? Dapat tayong magpasalamat na may producers gaya ng Bagong Siklab Productions na willing mag-finance ng mga pelikulang nagsasabi ng totoo.

“Ang gusto nilang gawin, pagtakpan ang katotohanan, baguhin ang kasaysayan at sila (Marcoses) ang palabasing kawawa. Ang mga Filipino talaga ang nagpatalsik kay Marcos noon sa Malacanang. ‘Yun ang totoo at dapat, igalang natin ang kasaysayan.

“Maaaring nabulag na nila ang mga kabataang Filipino pero dapat, tayong mga Filipinong nakaranas ng kung ano ang totoo, tayo’y magbantay at hindi pumayag na baguhin nila ang katotohanan at ang history.

“Aba’y kawawang-kawawa naman ang bayan natin dahil anim na taon pa silang nandiyan para baguhin kung ano ang tunay na naganap sa bansa natin.”mahabang sabi ni direk Joel.

Inamin din na habang sinu-shoot nila ang Oras de Peligro ang dahilan kaya inatake siya sa puso sa laki ng hirap na dinanas niya.

Kuwento nito pagkatapos ng screening sa SM Megamall Cinema 1, “Inaatake na ko sa puso while doing this and my doctor told me to stop. But I felt I have to finish this, kailangang magawa ko ito. I only went to the hospital for my bypass after I’ve completed the movie. The doctor said na kung nagtagal-tagal pa, natuluyan na siguro ako. But I’m glad sa natapos kong pelikula and I’m very proud of our movie.”

Mapapanood na ang Oras de Peligro sa March 1 handog ng Bagong Siklab Productions at ayon sa mga producers na sina Atty. Howard Calleja at Alvi Siongco ay posibleng magkaroon ng part 2, 3 at 4 kaya sana ay tangkilikin ang pelikula.

Related Chika:
Joel Lamangan nagpakatotoo: Maraming direktor na bago pa lang ay mayayabang na…huwag ganyan

Joel Lamangan balak gumawa ng pelikula kontra ‘Maid in Malacañang’: Hindi totoo ang lahat ng ito

Joel Lamangan sa R-18 rating ng MMFF entry na ‘My Father, Myself’: Ayaw nila ng kabaklaang movie na serious ang treatment

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Darryl Yap kay Joel Lamangan: Sino ba ako kumpara sa kanya?

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending