PAGASA nagbabala sa malakas na epekto ng hanging amihan, LPA inaasahang malulusaw
WALANG bagyo ang inaasahang mananalasa sa bansa.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posible na kasing malusaw ang binabantayan nilang Low Pressure Area (LPA) sa mga susunod na araw.
“Patuloy nating mino-monitor itong Low Pressure Area na huling namataan 180 kilometers silangang ng Butuan City sa Agusan Del Norte. Base nga ho sa pinakahuling datos, posible na ito ngang Low Pressure Area ay pwede na hong malusaw,” sey ni Weather Specialist Obet Badrina sa press briefing ngayong January 16.
Patuloy pa niya, “Mas malaki ‘yung tsansa na ito ay malusaw particularly the next 48 hours.
“Maliit pa rin ‘yung tsansa na ito ay maging bagyo at ang trough o extension nito ang siyang makikita ninyo na itong mga kaulapan dito sa Southern Luzon, umaabot po dito hanggang Palawan at apektado po kahit itong kamaynilaan ay magdadala pa rin ng pag-ulan sa araw na ito at maulap na kalangitan.”
Gayunpaman ay nagbabala ang PAGASA sa malawakang epekto ng Northeast Monsoon o hanging amihan na siyang magdudulot ng mga pag-ulan sa malaking bahagi ng ating bansa.
Abiso ng weather specialist, “Ang pag-iral naman ng northeast monsoon o hanging amihan ay magdadala ng mahinang pag-ulan pagdating sa Batanes, gayundin ho dito sa may bahagi naman ng Kalayaan kasama ‘yung bahagi ng Apayao at sa ilang bahagi ng Luzon ay generally fair weather at maliban na lamang sa mga pulo-pulong mahihinang pag-ulan.”
Dahil sa amihan ay patuloy pa ring nakataas ang Gale Warning o babala ng matataas na alon sa ilang bahagi ng Luzon.
“Mga kababayan, nakikita nga ho natin na posibleng lumakas ulit ang hanging amihan kaya nga nakataas ulit ang Gale Warning at nadagdagan ‘yung mga lugar ulit na kung saan nakataas ang ating mga babala sa posibleng pag-alon ng karagatan,” babala ng PAGASA.
Kabilang sa mga baybayin at karagatan na may Gale Warning ay ang Batanes, Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, Northern coast ng Ilocos Norte, Isabela at Aurora.
Paalala ng weather forecaster sa mga kababayan, “Delikado pa ring maglayag ‘yung mga maliliit na sasakyang pandagat at maliliit na bangka kaya nga ho nakikiusap po kami na iwasan munang pumalaot sa bahagi nito ng ating bansa.”
“Ngayong linggo nga ay inaasahan natin na muling lalakas itong northeast monsoon,” dagdag pa ni Badrino.
Samantala, ang Visayas at Mindanao ay makakaranas naman ng maaliwalas na panahon.
“Ang malaking bahagi po ng Visayas at Mindanao ay generally fair weather ang mararanasan ngayong araw,” saad sa press briefing ng weather bureau.
Read more:
Bagyong Rosal papalayo na ng bansa, inalis na ang nakataas na signal number
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.