Bagyong Rosal lalo pang lumakas, pero wala namang epekto sa bansa
LALO pang lumakas ang bagyong Rosal pero wala naman itong epekto sa ating bansa, ayon sa PAGASA.
Sinabi ni Weather Forecaster Veronica Torres na maaliwalas na panahon na may konting pag-ulan ang inaasahan ngayong araw.
“Bagamat lumakas nga ang bagyong Rosal, ito ay wala pa ring direktang epekto sa anumang bahagi ng ating bansa,” sey ni Torres sa isang press briefing ngayong umaga ng December 12.
Dagdag pa niya, “Actually ho, malaking bahagi ng bansa po dito sa kamaynilaan, sa kabisayaan partikular na sa Metro Cebu at gayundin dito sa may Davao ay inaasahan natin na makakaranas ng generally fair weather ho or maaliwalas na panahon.”
“Pero again, posible pa rin ‘yung mga isolated rain showers and thunderstorms,” aniya.
Ang good news pa, nakikita ng PAGASA na magda-downgrade ang bagyo bilang low pressure area (LPA) na lamang habang unti-unting lumalayo sa ating bansa.
Ayon sa weather bureau, “Posibleng humina ito o maging tropical depression bukas ng gabi o madaling araw ng Miyerkules, ito ay isang low pressure area na lamang.
“So hindi natin inaasahan na magla-landfall ang bagyong si Rosal dahil papalayo na ng bansa, posibleng hindi na rin ito lumabas ng Philippine area of responsibility dahil malulusaw na ito.”
Bagamat walang epekto ang bagyo sa bansa, ang tinatawag na “trough” o buntot ng bagyo ang posibleng magdala ng kalat-kalat na pag-ulan sa ilang lugar.
Sey ni Torres, “Ang trough o extension ng bagyong Rosal ay posible pa ring magdala ng thunderstorms partikular na dito sa may eastern section ng ating bansa at mapapansin ho ninyo, maliban po dito sa bagyong Rosal ay wala na tayong mino-monitor na low pressure area o sama ng panahon sa loob o labas man ng Philippine area of responsibility.”
Ang isa pang magpapa-ulan sa iba pang parte ng bansa ay ang “northeast monsoon.”
Paliwanag ng weather forecaster, “Dahil naman sa northeast monsoon, inaasahan natin ang posibilidad ng mga light rains o mahihina na pag-ulan partikular na nga sa bahagi ho ng batanes at dito po sa babuyan islands.”
Base naman sa ibinanderang weather bulletin ng PAGASA ay huling namataan ang bagyo sa Silangan ng Cagayan province.
“The center of Tropical Storm ROSAL was estimated based on all available data 770 km East of Calayan, Cagayan,” saad sa website ng ahensya.
Ang lakas na hangin ay nasa 85 kilometers per hour at bugsong aabot sa 105 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong gumagalaw ng pa-hilagang silangan sa bilis na 20 kilometers per hour.
Related chika:Pia may ipinahiram na ‘agimat’ kay Rabiya para swertehin sa Miss Universe
Bagyong Rosal papalayo na ng bansa, inalis na ang nakataas na signal number
LPA naging bagyo na, Signal no. 1 itinaas sa probinsya ng Catanduanes
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.