Lolit Solis sa kaso ni Vhong Navarro: Iwanan na natin sa hustisya ang lahat
AWANG-AWA ang talent manager at kolumnistang si Lolit Solis sa kasalukuyang pinagdaraanan ng TV host-comedian na si Vhong Navarro.
Sa kanyang Instagram account ay ibinahagi niya ang kanyang saloobin sa kasong kinakaharap ng komedyante.
“Naawa naman ako sa mga nangyayari ngayon kay Vhong Navarro, Salve. Hindi mo aakalain na sasapitin niya ang pangyayaring ito lalo na ngayon nasa itaas ang kanyang career at pati personal life niya ay maayos,” panimula ni Manay Lolit.
Matatandaang bigla na lamang nabuhay ang kasong isinampa ng modelong si Deniece Cornejo laban sa “It’s Showtime” host na isinampa niya noong 2014 na inaakala ng lahat na tapos na.
“Biglang nabuhay ang kaso na akala ng marami ay tapos na, pero heto ngayon at isang malaking iskandalo,” pagpapatuloy ni Manay Lolit.
Aniya, isa raw itong malaking aral sa mga artistang lalaki, na maging maingat sa kanilang mga relasyon.
“Hindi lahat ay natatapos sa maganda, puwede may bitterness na maiwan at iyon ang maging dahilan para balikan ka sa pamamagitan ng anuman para lang makaganti sa iyo,” sey pa ni Manay Lolit.
Dalangin naman niya na maging maayos na ang lahat sa pagitan nina Vhong at Deniece.
“Sana nga mapag usapan ng maayos para maging maganda ang resulta. Mahihirapan makatayo uli si Vhong Navarro mula sa scandal na ito,” sambit pa ni Manay Lolit.
View this post on Instagram
Dagdag pa niya, “Malaking suntok sa kanyang magandang career ngayon ang nangyaring scandal. Pero higit sa lahat, kawawa din ang pamilya niya na nagsa suffer ngayon, lalo na ang kanyang asawa.”
Naniniwala naman si Manay Lolit na lung anuman ang naging kasalanan ni Vhong ay paniguradong sobra na niya itong pinagsisisihan.
Giit pa niya, “At kung maibabalik lang ang araw, tiyak na hindi niya gagawin kung anuman pagkakamali ang nagawa niya. Siguro nga naisip na niya na sa isang iglap puwede mawala ang lahat, kaya dapat na maging maingat sa anuman gagawin.”
Hirit pa ni Manay Lolit, “Justice is fair kaya iwanan na natin sa hustisya ang lahat. Naniniwala tayo na kung ano ang nararapat, iyon ang mangyayari. Hustisya, iyan na lang ang hintayin natin.”
Related Chika:
Vhong Navarro kinampihan ng ex-wife na si Bianca Lapus: The truth will prevail, walang iwanan…
Vhong Navarro humingi nga ba ng tulong sa mga senador na kasama sa industriya?
Payo ng abogadong lolo ni Deniece sa kaso nila ni Vhong: Mag-settle na lang sila, at mag-move on…
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.