Robin Padilla nabwisit sa ‘barumbadong’ opisyal ng DFA: Senador ako, respetuhin mo ‘ko
TILA hindi nagustuhan ni Sen. Robin Padilla ang isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa umano’y bastos nitong pagsagot sa kanyang mga katanungan ngayong araw.
Ang opisyal na kinainisan ni Padilla ay si DFA Undersecretary Eduardo Jose de Vega.
Sa pagdinig ng Senate finance subcommittee, idiniin ng senador ang pangangailangang ipaalam sa publiko ang patungkol sa Philippine-US Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA), at 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea.
Sa kabila ng mga nasabing kasunduan, ikinalungkot ni Padilla ang kakulangan sa suporta ng US noong 2017 Marawi siege.
Unang sumagot ang kalihim ng DFA na si Enrique Manalo at sinabing dedepensahan ng US ang Pilipinas sa ilalim ng MDT.
Isinaad ni Manalo na may nagaganap na “clarificatory talks” kung paano ipapatupad ang MDT, partikular na sa kung paano dedepensahan ng US ang Pilipinas.
Sumali si de Vega sa usapan at tiniyak na handa ang gobyerno na depensahan ang bansa.
“Don’t be worried Sen. Robin Padilla. ‘Yung DFA at saka ‘yung gobyerno handang ipagtanggol ang bansa kung sino man ang lulusob sa atin, maging sino man sila,” ani de Vega.
“The DFA will fight diplomatically always. We will always use diplomatic means to defend our country,” dagdag niya.
Subalit, mukhang hindi nasiyahan si Padilla sa mga sagot ni De Vega.
Iginiit niya na dapat nilang ipaliwanag sa publiko ang MDT, VFA, at 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea.
“Ang sinasabi ko dapat kapag gumawa po sila ng publisidad patungkol dyan, dapat ay kasama po ‘yung patungkol sa VFA at an MDT sapagkat ‘yan po ay magkakapatid. Hindi po tayo pwedeng lumabas dyan nang hindi natin pinaguusapan ang tatlong ‘yan. Sapagkat ang arbitral ruling po ay 2016 pa at [iyan] po ay papel lang, hindi naman po ‘yan mai-implement,” paliwanag ni Padilla.
“Kaya ang itatanong ko po sana dun kanina sa barumbadong sumagot na undersecretary, siya po sana ang sumagot, [ay] papano niya i-implement sa gitna ng West Philippine Sea ‘yung arbitral ruling.”
“At kung sasagot po siya, ako po ay senador ng Pilipinas eh galangin po niya ako. Kayo po ‘yun, Undersecretary De Vega,” sabi ng senador.
Agad namang nilinaw ni Senador Alan Peter Cayetano ang tila ‘di pagkakaunawan sa pagitan ng dalawa at sinabing tumutulong si De Vega sa mga nasabing isyu.
“Mannerism niya lang talaga ang mag-smile. Ed, tama ba, you meant no offense?” Tanong ni Cayetano kay De Vega. “Kasi sa video para bang you were smiling…”
“Kasi I’m also looking at the video, parang ang dating you were smirking at us, Senator Padilla?”
Agad namang humingi ng dispensa si De Vega at sinabing hindi siya ngumingisi.
“Ah paumanhin po. Hindi po ako nag-smirk. Paumanhin, Senator Padilla,” aniya.
View this post on Instagram
Iba pang mga balita:
Karen Davila sa pagtigil ni Robin Padilla sa pag-aartista: Good move, senator!
DFA nagkasa ng karagdagang dalawang diplomatic protests laban sa China
Robin Padilla sa Martial Law: Mag-move on na tayo
Bakit nga ba maraming Pinoy ang bumoto kay Robin Padilla para maging senador?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.