Game 1 ng San Mig vs Meralco semis ngayon
Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
6:45 p.m. Meralco vs
San Mig Coffee
MAKAUNA at magkaroon ng malaking psychological advantage ang asinta ng San Mig Coffee at Meralco na magtutuos sa Game One ng best-of-five semifinals series ng 2013 PBA Governors’ Cup mamayang alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Dinaig ng Mixers ang Alaska Milk, 83-73, sa kanilang sudden-death match noong Biyernes upang makarating sa Finals ng torneong ito kung saan sumegunda sila sa Rain or Shine noong nagdaang season.
Ang San Mig Coffee ay sumegunda sa elims sa record na 6-3 at nagkaroon ng twice-to-beat advantage kontra seventh seed Aces. Pero nagwagi ang Alaska Milk, 112-105, noong Miyerkules upang mapuwersa ang sudden-death match.
Sa kabilang dako, madaling naidispatsa ng third seed Meralco ang Barako Bull, 86-76, upang masiguro ang pagsungkit sa pinakamataas nilang placing. Ang Bolts ay nakarating sa six-team semis ng conference na ito noong isang taon.
Hangad ni Meralco coach Paul Ryan Gregorio na ihatid ang Bolts sa Finals sa kauna-uahang pagkakataon sa siyam na conferences bilang miyembro ng PBA. Bago naging head coach ng Meralco, si Gregorio ay coach ng San Mig Coffee na ngayon ay hawak ni Tim Cone.
Sa elims ay bahagyang naungusan ng Mixers ang Bolts, 88-87, noong Setyembre 19. Kaya naman hindi masasabi na alinman sa kanilang dalawa ay may bentahe sa serye.
Unti-unti’y napakikinabangan ng Meralco sina Mike Cortez at James Ryan Sena na nakuha buhat sa Air21 kapalit ni Mark Borboran at ng rights kay Paul Asi Taulava.
Si Cortez ay naka-katuwang sa backcourt ng point guard na si Chris Ross. Ang iba pang locals na inaasahan ni Gregorio ay sina Mark Cardona, Reynell Hugnatan at Cliff Hodge.
Sa import matchup ay magtutunggali sina Mario West ng Meralco at Marqus Blakely ng San Mig Coffee na kapwa nagbabalik at naghahangad na mabigyan ng titulo ang kanilang koponan matapos mabigo noong nakaraang season.
Si Blakely ay susuportahan nina two-time MVP James Yap, Marc Pingris, Joe Devance, Peter June Simon at Mark Barroca.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.