2 Pilipino binigyan ni Pope Francis ng mahalagang misyon sa Oceania, Holy Land
Isang pari at isang arsobispong Pilipino ang binigyan ni Pope Francis ng mahalagang misyon.
Si Archbishop Adolfo Tito Yllana ay itinalaga ng Santo Papa bilang bagong apostolic nuncio sa Israel at Cyprus o Holy Land, ang lugar kung saan isinilang ang Kristiyanismo, ayon sa pahayag ng Vatican.
Ganundin, ang 73-taong-gulang na si Yllana rin ang hinirang ng pope na apostolic delegate sa Jerusalem at Palestine.
Bago ito, si Yllana ay naglingkod bilang apostolic nuncio sa Australia mula pa 2015.
Papalitan niya si Archbishop Leopoldo Girelli, na itinalaga namang Apostolic Nuncio sa India.
Si Yllana ay isinilang sa Naga City noong Pebrero 6, 1948. Inordenahan siya bilang pari sa Archdiocese ng Caceres noong Marso 19, 1972.
Ginawaran siya ng doctorate sa civil at canon law, at pumasok sa Ecclesiastical Academy, ang iskwelahan sa larangan ng diplomasya ng Holy See.
Matapos ang kanyang mga pag-aaral, pinasok niya ang diplomatic service ng Holy See, at naglingkod sa Pontifical Representations sa Ghana, Sri Lanka, Turkey, Lebanon, Hungary at Taiwan.
Noong Disyembre 2001, itinalaga siya ni St. John Paul II na apostolic nuncio sa Papua New Guinea, habang noong 2006, hinirang naman siya ni Pope Benedict XVI bilang apostolic nuncio sa Pakistan at apostolic nuncio sa Democratic Republic of Congo noong 2010.
Noong Pebrero 2015, itinalaga siya ni Pope Francis na apostolic nuncio sa Australia.
Samantala, isang Pilipino na misyonaryong pari naman ang hinirang ni Pope Francis na bagong obispo sa diocese ng Daru-Kiunga sa Papua New Guinea.
Papalitan ni Bishop-elect Joseph Tarife Durero, 53, si Canadian Bishop Gilles Côté, na nagsilbing obispo ng Papua New Guinea sa loob ng 22 taon.
Tinanggap ng Santo Papa ang pagbibitiw ni Côté matapos na maabot nito ang mandatory retirement age na 75 noong Nobyembre.
Si Durero ay ipinanganak sa bayan ng Dapa sa Surigao del Norte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.