‘Binaboy n’yo ang anak ko!’ Ina ni Christine, nananawagan ng hustisya
Hustisya ang sigaw ng ina ng ginahasa at napatay na flight attendant na si Christine Angelica Dacera.
“Dapat maparusahan sila,” ang wika ni Sharon Dacera sa press conference nitong Martes patungkol sa 11 lalaki na sinampahan na ng pulisya ng probisyunal na kasong rape with homicide.
Ang mga suspek ay kasama ni Christine sa party noong Bisperas ng Bagong Taon na ginanap sa isang hotel sa Makati City. Isinugod sa ospital ang 23-anyos na flight attendant ng PAL Express matapos matagpuang walang malay sa isang bathtub, pero huli na ang lahat.
Sa inisyal na imbistigasyon, sinabi ng pulisya na hinalay ang dalaga. Kinakitaan ng semilya ng lalaki at laceration ang kanyang ari.
“Binaboy n’yo ang anak ko,” wika ni Sharon. “Ayokong may mangyari ulit diyan na isang babae na bababuyin niyo ulit. Kaya lalabanan ko ang laban nitong anak ko.”
Humingi rin siya ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa anak nitong si Davao Mayor Sara Duterte.
“Tatay Digong, tulungan niyo po kami. Ordinaryo lang po akong tao. Ma’am Sara Duterte, nanay ka rin. May anak ka rin na babae,” ang apila ni Sharon.
“That is why I want to come out in the open because I don’t want somebody to be a victim again by this kind of brutality, barbaric,” dagdag niya.
Sinabi ni Sharon na dapat maparusahan ang mga may kagagawan sa kamatayan ng kanyang anak.
“Siyempre ilalaban ko tong anak ko. Mga perpetrators dapat maparusahan,” wika ni Sharon.
Tatlo sa 11 na suspek ay sumuko na sa awtoridad habang pinaghahanap pa ang walong iba pang kalalakihan.
Basahin:
Mga suspek sa panggagahasa at pagkamatay ng flight attendant nakilala na
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.