Magsasaka todas matapos saksakin ng mister ng umano’y kabit
ANG bawal na pag-ibig ay nakamamatay.
Todas ang isang 40 anyos na magsasaka matapos saksakin sa dibdib ng isang lalaki dahil sa umano’y “love triangle” sa bayan ng Candelaria sa lalawigan ng Quezon nitong Miyerkules ng gabi, Marso 29.
Ayon sa ulat ng pulisya ng Quezon nitong Huwebes, papauwi na sa kanyang bahay si Allan Matutina sakay ng kanyang motorsiklo nang harangin ni Christian Selga, 30, sa Barangay Malabanban Sur bandang 10:30 ng gabi.
Kaagad ay inundayan ni Selga ng dalawang saksak sa dibdib si Matutina gamit ang isang kutsilyo at kaagad na tumakas matapos ang insidente.
Nagtamo ng malubhang sugat ang biktima at namatay habang dinadala sa United Candelaria Doctors Hospital sa sentro ng bayan.
Naaresto ng pulisya si Selga at nakumpiska ang kagamitan sa pagpatay.
Ayon sa mga imbestigador, “love triangle” ang dahilan ng pagpatay.
“Mayroong umanong bawal na relasyon ang asawa ng suspek at ng biktima,” sabi ng pulisya sa kanilang ulat.
Hindi nagbigay ng karagdagang detalye ang pulisya tungkol sa tinatawag na bawal na relasyon.
IPA PANG BALITA
Lalaki sugatan matapos makuryente sa Olongapo City
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.