Proteksyon vs manlolokong online seller umusad na
PINAPLANTSA na ng House committee on trade and industry ang panukala na magbibigay ng proteksyon sa mga kustomer na naloloko ng mga online seller.
Sa virtual hearing ng komite, tinalakay ang House bill 6122 ni Valenzuela Rep. Wes Gatchalian na naglalayong magtayo ng eCommerce Bureau na mangangasiwa sa mga internet transactions upang maproteksyunan ang mga bumibili at nagbebenta online.
“There is no denying that eCommerce has radically changed the way we live our lives. Whether as a consumer of seller, technology and the internet has dramatically transformed the way business is conducted,” ani Gatchalian.
Marami umano ang gumagamit na ng eCommerce dahil mas mabilis at mura ang transaksyon dito.
Bagamat lumalago, sinabi ni Gatchalian na mabagal ito kumpara sa ibang bansa at maaari umano na ito ay dahil sa kakulangan ng tiwala sa mga transaksyon sa internet.
“This bill seeks to culture an environment founded on trust among consumers and merchants as a means to increase the number of eCommerce participants and ultimately achieve sustainable growth.”
Sa pagdinig ay nagkasundo ang mga mambabatas na pagsamahin ang panukala ni Gatchalian at ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr., kaugnay ng pagpapataw ng parusa sa mga manloloko at nagkakansela ng order ng walang sapat na kadahilanan.
Sa ilalim ng panukala ni Garbin gagawing krimen ang hindi makatwirang pagkansela ng order at pag-order na wala talagang intensyon na kunin ang inorder.
“Sa ngayon nakikita natin na talagang laganap yung pambibiktima, lalung lalo na yung mga delivery drivers na nabibiktima ng prank calls and unreasonable cancellations. Hindi naman lahat gumagamit ng credit cards so ang nag-aabono, yung delivery drivers,” ani Garbin.
Ang parusa sa panulala ni Garbin ay hindi bababa sa anim na taong pagkakakulong at multang P100,000.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.