Hagibis member Sonny Parsons pumanaw na; inatake habang nagmo-motor
PUMANAW na ang veteran actor at dating miyembro ng grupong Hagibis na si Sonny Parsons matapos atakihin sa puso. Siya ay 61 years old.
Kinumpirma ito ng kaibigan niyang si Manuel Rigor, member ng ‘70s OPM iconic group na VST & Company.
Ipinost niya ang malungkot na balita sa Facebook page ngayong araw. Nakasakay umano sa kanyang big bike si Sonny (Jose Nabiula sa totoong buhay), at patungo sa Quezon Province mula sa Batangas.
Mensahe ni Manuel, “Ride free, Sonny Parsons. We had good, and bad times. Salamat sa mga alaala, lakay. You will be missed. So sad.”
Nag-post din ang aktres na si Vivian Velez sa FB ng mensahe ng pakikiramay sa naulilang pamilya ni Sonny.
“Another Legend of OPM’s Pinoy Discorama… REST IN PEACE Senyor Sonny Parsons of HAGIBIS,” ang caption ni Vivian sa litrato ng dating action star.
Bago pinasok ang mundo ng pag-aartista, sumikat muna ang all-mald group ni Sonny na Hagibis noong dekada 70 hanggang 80 kung saan nakasama niya sina Bernie Fineza, Mike Respall, Joji Garcia at Mon Picazo.
Ilan sa mga pinasikat nilang kanta ay ang “Legs,” “Babae,” “Lalake” at “Katawan”. Bumida rin ang grupo sa pelikulang “Legs Katawan Babae” noong 1981.
Noong 1997, nag-produce rin siya ng pelikula na siya rin ang bida, ang “Bala Para Sa Katarungan.”
Huling napanood sa TV ang aktor noong 2017 bilang kontrabida ni Coco Martin sa “FPJ’s Ang Probinsyano.” Naging konsehal din siya noon sa Marikina City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.