ISA na namang tao ang nasawi dahil umano sa pag-inom ng lambanog, sa Pagbilao, Quezon, nitong Linggo.
Naganap ang insidente habang di pa binabawi ang pansamantalang ban sa pagbebenta ng lambanog sa Calabarzon.
Binawian ng buhay ang 50-anyos na si Alvin Luna dakong alas-12:45 ng tanghali, habang nilulunasan sa ospital, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Pagbilao Police, napag-alaman na uminom si Luna ng lambanog kasama ang ilang kaibigan at isang pinsan, noong Huwebes, Biyernes, at Sabado.
Matapos ang pinakahuling inuman ay nagpahinga si Luna pero kinabukasa’y kinailangang dalhin sa ospital dahil nawalan ng paningin at pakiramdam sa batok, hirap huminga, at di makapagsalita, ayon sa pulisya.
Lumabas sa pagsusuri ng ospital sa Tayabas City na respiratory failure secondary to methanol toxicity ang dinanas ni Luna.
Napag-alaman naman ng pulisya na isang bote ng lambanog at tatlong bote ng brandy ang nainom ni Luna at mga kaibigan noong Huwebes, habang tinatayang 3 litro ang nainom niya at ng pinsan noong Biyernes at Sabado.
Lumabas din sa imbestigasyon na ininom niyang lambanog ay nabili ng kapitbahay sa isang tindahan sa Brgy. Del Carmen, noon pang Nobyembre 2019.
Ayon kay Lt. Col. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon regional police, hindi pa binabawi ang ban sa mga brand ng lambanog na di aprubado ng Food and Drugs Administration, simula pa noong huling bahagi ng Disyembre.
Inaalam pa kung aprupado ng FDA ang lambanog na ininom ni Luna, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.