2018 Cinemalaya review: Tumawa, umiyak, ma-in love sa ‘Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon’
HINDI kami nagsisi sa pagpunta sa CCP Main Theater sa Roxas Blvd., sa Maynila para panoorin ang pelikulang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon”, isa sa mga official entry sa 2018 Cinemalaya Film Festival.
Ito’y pinagbibidahan ng mga veteran stars na sina Perla Bautista, Menggie Cobbarubias at Dante Rivero, sa direksyon ni Carlo Catu.
First time naming makapanood ng Pinoy movie na umiikot ang kuwento sa tatlong senior citizen na pinatagpu-tagpo ng tadhana para patunayan kung gaano ka-powerful ang pagpapatawad at kung paano mag-move on sa pagkabigo at gaano kahalaga sa isang dating magkarelasyon ang “closure”.
Ilang beses kaming umiyak sa mga simple pero tumatagos na eksena nina Dante Rivero at Perla Bautista na gumaganap bilang dating mag-asawa (Bene at Tere) na naghiwalay after 27 years ng pagsasama, habang tawa naman kami nang tawa sa mga punchlines ni Menggie Cobbarubias na kahit hindi naman nagpapatawa ay hahagalpak ka na lang sa kanyang mga hirit bilang si Celso na matagal nang ka-live in ni Tere.
Hindi na napakasalan ni Celso si Tere dahil kasal pa rin ito kay Bene at magsisimula ang conflict ng kuwento nang malaman ni Tere na may stage 4 cancer na ang nakahiwalay na asawa. Hiniling nito na alagaan siya ng dating misis dahil wala na siyang kasama sa napakalaki pero lumang-luma nang bahay nila.
Inakala namin na hindi papayag si Celso na tulungan ni Tere ang dating mister ngunit tumulong pa ito sa pagpapagamot at pag-aalaga kay Bene.
Hindi heavy drama ang pelikulang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon” pero hindi mo mapipigil ang pag-iyak dahil siguradong makaka-relate kayo sa mga eksena, lalo na ‘yung mga anak na may mga magulang na malapit na sa “dapithapon” ng kanilang buhay.
Maikli lang ang partisipasyon ni Romnick Sarmenta sa pelikula pero nagmarka naman ang kanyang mga eksena bilang si Chito, ang anak nina Tere at Bene na kinimkim ang galit sa kanyang ama dahil sa pang-iiwan sa kanila noong bata pa siya. Hindi rin nagpatalbog ang character actress na si Che Ramos bilang anak ni Celso na si Marissa na problemado rin sa kanyang babaerong asawa.
Bukod sa maganda at maayos na pagkakadirek ni Carlo, bongga rin ang camera at lighting work ng cinematographer na si Neil Daza lalo na sa mga eksenang kinunan sa loob ng ancestral house kung saan feel na feel mo talaga ang mood at nararamdaman ng bawat karakter.
Hindi na namin ikukuwento ang iba pang detalye ng pelikula, kayo na ang bahalang humusga. Suggestion lang sa mga kabataang manonood ng “Dapithapon”, isama n’yo ang inyong mga magulang dahil perfect bonding moment ito para sa buong pamilya, pati na rin sa magbabarkada.
Maaari n’yong makita ang screening schedule ng “Dapithapon” sa official website ng Cinemalaya, sa mga Ayala malls at Ticketworld.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.