Deputy Speaker ng Kamara pinapasibak ng Ombudsman dahil sa P98.9M underwater property
Ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsibak kay dating Cebu Governor at ngayon ay House Deputy Speaker at Cebu Rep. Gwendolyn Garcia kaugnay ng pagbili nito lupa na lubog sa tubig para tayuan ng pabahay.
Ayon kay Morales guilty si Garcia sa kasong Grave Misconduct. Bukod sa pagkasibak, si Garcia ay pinatawan din ng perpetual disqualification sa paghawak ng posisyon sa gobyerno at kinakansela ang kanyang eligibility na makapagtrabaho sa gobyerno at kinukumpiska pabor sa gobyerno ang kanyang retirement benefits.
Pinadalhan ng Ombudsman ng kopya ng desisyon si House Speaker Pantaleon Alvarez upang aksyunan ito.
Ayon sa Ombudsman binili ng provincial government ng Cebu ang 249,246 metro kuwadradong lupa sa Tinaan, Naga, Cebu sa halagang P98.9 milyon noong Hunyo 2008.
Sa imbestigasyon, 196,696 metro kuwadrado ng lupa ay nasa ilalim ng tubig at bahagi ng mangrove area.
Noong Abril 2012, pinatabunan ang bahagi na lubog sa tubig sa ABF Construction sa halagang P24.4 milyon. Pero ayon sa Ombudsman hindi otorisado ng Sangguniang Panlalawigan ang pagpasok sa kontrata ni Garcia sa ABF.
Samantala, naniniwala si Garcia na konektado sa kanyang posisyon sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
“The timing is rather suspect. It does seem as though as the Ombudsman has singled me out. An act that was done when I was still governor several years ago, you’d rather wonder whether this was purposely done. As you saw, I’m very active in this impeachment hearing against Chief Justice Sereno. Be that as it may, I leave it to the leadership, to Speaker Pantaleon Alvarez, on his decision as regards to that dismissal order,” ani Garcia.
Si Sereno at Morales ay parehong itinalaga sa puwesto ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Sinabi naman ni House majority leader Rudy Farinas na hindi pa niya nababasa ang kopya ng desisyon.
“Titingnan muna natin if it’s valid (yung order). Nasa rules namin yan, any order coming from the court or whatever administrative body, we have to first determine if the order is valid, is it relevant to our rules and everything. ire-refer namin yan sa plenary,” dagdag pa ni Farinas.
Ayon kay Farinas kung titignan ang kaso ni Sen. Joel Villanueva, “Dinismiss siya ng Ombudsman as TESDA chief, but the Senate did not implement it, di ba?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.