Police station inatake ng 200 NPA; 5 pulis sugatan
John Roson - Bandera December 03, 2017 - 04:11 PM
Sugatan ang hepe ng pulisya sa Binuangan, Misamis Oriental, at apat niyang tauhan nang salakayin ng aabot sa 200 kasapi ng New People’s Army ang kanilang istasyon Linggo ng umaga, ayon sa mga otoridad.
Kabilang sa mga sugatan sina Binuangan police chief Senior Insp. Dante Hallazgo, SPO1 Ramonito Zambas, PO3 Alberto Bernadas, at PO1 Josua Satur, sabi ni Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Northern Mindanao regional police.
Nagtamo sila ng mga shrapnel wounds dahil gumamit ang mga rebelde ng mga M203 grenade rifle, ani Gonda.
Bahagyang pinsala rin ang tinamo ni SPO4 Lorimer Cabil, sabi ni Senior Insp. Corinne Mae Estigoy, tagapagsalita ng Misamis Occidental provincial police, nang kapanayamin ng Bandera sa telepono.
Sa mga sugatan, si Bernadas lang ang dinala sa ospital. Itinakbo siya sa Capitol University Medical Center ng Cagayan de Oro City para malunasan, ani Estigoy.
Nagsimula ang pag-atake dakong alas-3 at tumagal hanggang alas-5:30, aniya.
Pawang mga kasapi ng Sentro de Grabidad ng NPA Guerrilla Front 4B na pinamunuan nina Manuelito Satur alyas “Ka Musong” at alyas “Jakem, Platoon ADA ni Oscar Romania alyas “Amboy,” at Platoon PPH ni alyas “Makong Mansigyaw” ang sumalakay, ani Gonda.
“Ang plano po ng mga rebelde ay ma-overrun at sunugin ang police station pero hindi nila nagawa dahil lumaban ang mga pulis natin,” ani Estigoy.
Nakatagpo ng mga container na may lamang gasolina malapit sa police station matapos ang pag-atake, aniya.
Pinaputukan ng di mabatid na bilang ng rebelde ang istasyon kaya gumanti si Hallazgo at ang 22 naka-duty niyang tauhan, ani Estigoy.
“Sila ‘yung mga naka-duty noon, 23 silang lumaban,” aniya.
Lumaban ang mga miyembro ng Binuangan Police kahit alam na marami silang kalaban, ani Gonda.
“We believe na may mga wounded sa NPA dahil sa pag-clearing kanina, may mga nakitang blood sa mga pinuwestuhan nila,” sabi naman ni Estigoy.
Sa gitna ng sagupaan, nagtayo naman ng tatlong road block ang iba pang rebelde. Isa sa mga ito’y malapit sa Lourdes Church, ang isa pa’y nasa Sitio Larantulan na 200 metro lang mula sa police station, at isa pa sa Brgy. Ampinican, bayan ng Salay, ani Estigoy.
Nagpadala ng tauhan ang Regional Mobile Force Battalion-10, Provincial Intelligence Branch, at Provincial Mobile Force Company para i-reinforce ang Binuangan station matapos maiulat ang pag-atake, ani Gonda.
Huling namataan ang mga rebelde na umatras patungo sa masukal na bahagi ng Brgy. Kitamba, lulan ng dalawang Forward truck, ani Estigoy.
“Ang unang intention kasi nila is ma-overrun at masunog ang police station, since hindi nila nagawa ‘yun and they were expecting a large number of reinforcement from the government forces, alam nila na di nila kakayanin ang reinforcement namin, nag-withdraw sila. Alam naman natin na hindi nagtatagal ang NPA pag lumalaban, umaatras. They harass and withdraw, ‘yan ang tactic nila,” aniya.
Ipinakalat na ang ilan sa mga police reinforcement, pati ang mga miyembro ng Army 58th Infantry Battalion, para tugisin ang mga rebelde.
Nag-deploy din ng mga pulis sa iba-ibang ospitals para tingnan kung may mga rebeldeng nagpapagamot doon, habang lahat ng police station sa lalawigan ay inatasang magsagawa ng checkpoint, ani Estigoy.
Kakasuhan ang mga kasapi ng mga NPA unit na sangkot sa pag-atake, habang si Hallazgo at kanyang mga tauhan ay nakatakdang tumanggap ng commendation para sa pagharap sa malaking bilang ng mga rebelde, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending