Imelda Papin umangal sa pagkatalo
Ipinakakansela ng juke box queen na si Imelda Papin ang pagkapanalo ng kanyang kalaban na si Camarines Sur Rep. Arnulfo Fuentebella sa katatapos na eleksyon.
Kahapon ng umaga ay pumunta si Papin sa House of Representatives Electoral Tribunal upang iprotesta ang panalo ni Fuentebella na lumamang sa kanya ng mahigit 700 boto.
“Natulog lang ako ng few hours wala na (ang kalamangan),” ani Papin. “Ang Imelda Papin ay hindi dapat tumango na lamang ano po, kung ano ang resulta dahil kitang-kita po namin na talagang merong nangyaring hindi kapanipaniwala.”
Iprinoklama ng Commission on Elections si Fuentebella na nakakuha ng 83,969 boto, lamang ng 740 boto sa kalaban na si Papin na naka 83,229 boto.
“Dapat in-notify ang proclamation ni Fuentebella dahil hindi tama ang kanyang panalong 740 (votes),” dagdag pa ni Papin. “Ipaglalaban ko pong lahat ang mga kababayan ko sa fourth district.”
Sinabi ni Papin na mayroong iregularidad na naganap sa mga boto mula sa bayan ng Tinambac gaya ng pamimili ng boto.
Ayon sa kanya, mayroong mahigit sa 24,000 boto para sa kanya na idineklarang invalid ng Comelec.
“Moreover, it can be gleaned that there is an unusually high incidence of ‘invalid votes’ for the position of Member of the House of Representatives in the 4th district of Camarines Sur….. In this case, such a high number of invalid votes —24,611— for the subject position is very abnormal.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.