FEU dinurog ang UP; La Salle tinambakan ang Adamson
Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. FEU vs UE
4 p.m. NU vs Adamson
Team Standings: UST (3-1); Ateneo (3-1); FEU (3-1); UP (2-2); UE (2-2); La Salle (2-2); NU (1-3); Adamson (0-4)
PINAGNINGAS nina Roger Pogoy at Raymar Jose ang maalab na paglalaro ng Far Eastern University sa second half para suwagin ang University of the Philippines, 75-58, sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ibinuhos ni Pogoy ang lahat ng 10 puntos sa huling 20 minuto at pinagningning niya ang biglang pag-iinit sa pinakalawang pitong sunod na puntos sa 11-0 bomba upang ang tatlong puntos na pagkakaiwan sa Fighting Maroons ay naging 51-43 bentahe.
Si Jose, na may 11 puntos para makasalo si Mike Tolomia sa pangunguna sa scoring sa laro, ay may limang puntos habang isang tres ang ginawa ni Pogoy sa 12-0 run para ilayo na ang FEU sa 65-49.
May 13 rebounds pa si Jose habang si Alejandrino Inigo ay naghatid pa ng 10 puntos at pitong rebounds upang magkaroon ng balanseng puntos ang mga starters at bench players sa 35 at 40 puntos.
“Maganda ang nilaro namin sa second half. Nakatulong din ang magandang pagtutulungan ng mga players. Mahirap kung isa lang ang gumagawa at ang iba ay palamuti lamang,” wika ni Tamaraws coach Nash Racela.
May 3-1 karta na ang FEU para samahan ang mga pahingang University of Santo Tomas at Ateneo de Manila University na nasa itaas ng standings.
Ikalawang sunod na pagkatalo ito ng Fighting Maroons matapos ang 2-0 panimula at ininda nila ang panlalamig matapos ibigay ni Diego Dario ang 43-40 bentahe.
Nagtala lamang ang UP ng anim na puntos habang rumatsada ng 25 puntos ang FEU para ikasa ang pinakamalaking kalamangan sa laro sa huling 2:07 sa orasan.
Tinapos naman ng La Salle ang magkasunod na pagkatalo sa 88-71 pananaig sa Adamson sa unang laro.
May 18 puntos, siyam na rebounds at limang assists si Jeron Teng habang ang iba pang guards na sina Thomas Torres at Julian Sargent ay may 16 at 11 puntos pa.
Si Torres ay may limang assists din para bigyan ang Green Archers ng 21 assists upang ipakita ang mas magandang pag-ikot sa bola.
Sa unang yugto pa lamang ay lumayo na ang Green Archers, 24-10, para matablahan ang UP at UE sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto.
May 18 puntos at 14 rebounds si Pape Sarr pero hindi sapat ito para lasapin ng Falcons ang ikaapat na sunod na pagkatalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.