Ate Vi nililigawan ni Binay para tumakbong VP sa 2016
Pagkatapos nang mahabang panahon ay muli kaming nagkita ng Star For All Seasons nu’ng Huwebes nang hapon sa pabolosong Chef Jessie Restaurant sa Rockwell.
Walang ipinagbabago kahit kailan ang itsura ni Governor Vilma Santos, senior citizen na siya ngayon, pero kung pagmamasdan mo ang aktres-politiko ay parang nakikipaglaro lang sa panahon ang kanyang edad.
At tunay na kagandahan ‘yun, ni isang tusok ng heringgilya ay walang donasyon sa kanyang mukha ang siyensiya, sobra ang takot ni Governor Vilma sa iniksiyon at heringgilya.
Nakasingit kami sa napakamasikip niyang schedule para siya ang maging buwena-manong handog namin sa unang sultada ng Showbiz Police sa kanyang bagong oras at araw.
Siya mismo ang gumawa ng paraan para mapagbigyan ang hiling naming panayam. Mula sa Lunes, Jan. 20, ay araw-araw nang mapapanood ang Showbiz Police sa TV5 tuwing alas kuwatro nang hapon bago ang Face The People.
At mula Lunes din hanggang sa darating na Biyernes ay hahatiin sa limang bahagi ang mahaba at makabuluhan naming interbyu kay Governor Vilma.
Limang bagsak ‘yun na sana’y matutukan ng ating mga kababayan dahil ibang klase talagang maglatag ng kanyang mga opinyon ang aktres-politiko hindi lang tungkol sa kanyang pagiging serbisyo-publiko kundi maging sa mga isyung kinakaharap nila ni Senator Ralph Recto at ng kanyang mga anak na sina Luis at Christian.
Kulang ang limang hapon para maikargang lahat ang panayam namin kay Governor Vilma dahil nakapanghihinayang itapon ang mga parteng hindi maikakarga.
May saysay kasi siyang kausap, maingat siya sa pagbibitiw ng mga pahayag, pero palagi siyang nagpapakatotoo sa kanyang sarili at sa publiko.
Halimbawa, totoo bang ngayon pa lang ay “nililigawan” na siya ng kampo ni Vice-President Jejomar Binay para tumakbo bilang katuwang nito sa 2016, nagkita na nga ba sila?
Ang diretso niyang tugon, “Totoo, nagkausap na kami ni VP Binay, marami kaming pinag-usapan.” Kung saan tumakbo-umikot ang kanilang pribadong pagkikita ay tatalakayin namin sa Showbiz Police.
Maraming salamat at mabuhay ka, Governor Vilma Santos!
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.