Anong karakter meron ang presidente mo? | Bandera

Anong karakter meron ang presidente mo?

Jake Maderazo - July 27, 2015 - 03:00 AM

“LIMANG taon na ang nakalipas, dumating kami noon, at kami’y paalis na ngayon.” “Maraming salamat sa inyong lahat at paalam.”

Ito’y mga bahagi ng huling State of the Nation Address ng yumaong Pangulong Corazon Aquino noong 1991 kung saan kinwento niya ang “up and down” na ekonommiya ng bansa noon na binuwisit ng kabi-kabilang kudeta, “world oil crisis” at pati pagputok ng bulkang Pinatubo at lindol noong 1990.

Kasabay nito, binida niya na hindi siya nagsamantala sa kapangyarihan; walang kamag-anak na binigyan ng pabor, maging mga kaibigan o kapartido.

Bagamat may pagkukulang ang gobyerno, binigyang-diin naman niya ang kanyang ”sincere desire to govern” o tapat na hangaring maglingkod. Inatasan niya noon ang AFP at PNP na tiyakin na magiging malinis at walang mandaraya sa noon ay 1992 presidential elections.

Inaasahan ko na ganito rin ang gagawing kwento ni Pang. Aquino ngayong araw sa huli niyang SONA. At tiyak na hindi mawawala ang paninisi kay President Gloria Arroyo, kay supertyphoon Yolanda at sa oposisyon kasabay na ang gagawing pagmamalaki sa umano’y umuunlad na ekonomiya. Ang DOLE ay nagsabi na 8 milyong trabaho ang nalikha nitong nakaraang limang taon.
***
Sa latest Veritas Truth Survey nitong April-May-June 2015, 46 percent ng mga Pilipino ang nagsabing bigo si PNoy sa kampanya laban sa korupsyon. Halos 41 percent naman ang hindi sigurado at 13 percent ang naniniwalang tagumpay ang daang matuwid versus katiwalian.

Sabi pa sa survey, pinaka-corrupt daw ang mga Huwes at mahistrado na 48%; mga Cabinet members-46%; Office of the President na 42%; Office of the Vice President at mga gobernador na tig-39%. Kung tama ang mga survey na ito, lalong magiging kapana-panabik ang huling SONA ni PNoy mamaya.
***
Tama nga ang kasabihang “Presidents come and go” at lahat ng kwento ng kapangyarihan ay nagtatapos din. Pero ang maiiwan lamang ay ang karakter na ipinakita ng ating mga naging lider. Naalala ko tuloy ang sinabi ni dating Pangulong Ramon Magsaysay: “The President should set the example of a big heart, an honest mind, sound instincts, the virtue of healthy impatience and an abiding love for the common man.” Ito sa palagay ko ang dapat na pamantayan ng paghalal sa susunod na pangulo ng Pilipinas Mayo 2016.
Isang kwento sa Gerona, Tarlac tungkol kay Magsaysay ang ehemplo nito, kung saan nauhaw siya sa biyahe, pumarada sa isang tindahan sa plaza at bumili ng 16 bote ng softdrinks. Nakipagkwentuhan sa mga tao at nagtanong kung magkano ang isang salop (1 ¼ kilo) ng bigas doon at sinabing 85 centavos pa rin ang bentahan. Sabi ni Magsaysay, kapag ginawang piso ng mga negosyante ang isang salop ng bigas, mag-telegrama kayo sa akin at babahain natin ng murang bigas ang buong Tarlac para sa inyo. Pagkatapos, nagbayad siya ng P2 para sa softdrink kahit ayaw siyang pagbayarin ng may-ari ng tindahan. Sinabi ni Magsaysay, ako ay Presidente at makakabili ng softdrink anumang oras, pero, kayo’y nagnenegosyo at hindi dapat malugi dahi sa akin. “Ibalik niyo na lang ang sukli kong 40 sentimos”.
Iyan ang hinahanap nating importanteng karakter ng susunod na presidente. Tunay na pagmamahal sa mga simpleng mamamayan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending