Jodi gumawa ng kasaysayan sa TV, ‘PSY’ naka-1-m TWEET sa loob ng ilang minuto
GUMAWA ng kasaysayan sa mundo ng telebisyon ang episode ng Pangako Sa ‘Yo na umere noong Huwebes kung saan bumida nang bonggang-bongga si Jodi Sta. Maria bilang si Amor Powers.
Sa kauna-unahang pagkakataon, isang programa sa TV ang nakakuha ng mahigit 1 million tweets para sa isang episode lamang. Naging number one trending topic worldwide ang #PSYAngBatasNgApi kung saan nga nagpakitang-gilas sa akting si Jodi.
Ito ang eksena kung saan bumalik sa kanilang lugar si Amor matapos ang malakas na lindol na naging sanhi ng mga landslide, partikular na sa isang mining site roon.
Ang may-ari ng minahan (pamilya ng dating boyfriend ni Amor na si Eduardo) ang sinisisi ng mga tagaroon kung bakit nangyari ang trahedya. Sa pag-aakalang namatay ang kanyang pamilya sa nasabing landslide, galit na galit na ipinangako ni Amor sa sarili na siya’y maghihiganti.
“Saksi ang Diyos – hindi lahat ng araw sa inyo, hindi lahat ng batas kayo. Lahat ng ginawa niyo sa akin, nakaukit sa puso at diwa ko! Lahat ng hirap at sakit, ibabalik ko sa inyo.
Matitikman ninyo ang batas ng isang api!” ang banta ni Amor habang hawak ang larawan ng mag-asawang Eduardo at Claudia (Ian Veneracion at Angelica Panganiban).
Ngunit lingid sa kaalaman ni Amor, buhay pala ang kanyang anak na nailigtas ng isang pulis at ng kanyang asawa. Pinangalanan nila itong Yna (na gagampanan ni Kathryn Bernardo), base na rin sa kuwintas na suot ng sanggol.
Inaasahang magkikita na ang karakter nina Kathryn bilang Yna at Daniel Padilla as Angelo sa mga susunod na episode ng Pangako Sa ‘Yo. Si Daniel ang magiging anak nina Ian at Angelica.
Kung matatandaan, umani rin ng papuri noon si Eula Valdez (ang gumanap noon na Amor Powers) nang gawin niya ang “batas ng api” scene sa original PSY noong 2000.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.