Maris ‘nagparamdam’ sa socmed matapos ang isyu kay Anthony, Jam
MAKALIPAS ang ilang linggong pahinga dahil sa kontrobersiya, nagbabalik social media ang aktres na si Maris Racal.
Ito ay para i-promote ang kanyang pelikulang “Sunshine” na parte ng 36th Palm Springs International Film Festival.
Sa pamamagitan ng Instagram Story, ibinandera ni Maris ang listahan ng screenings ng kanyang movie sa nasabing international film fest.
Caption niya, “Hello, Palm Springs International Film Festival! Get your tickets now.”
Baka Bet Mo: Ian sa Maris, Anthony isyu: ‘We’re all human beings…just let them be’
Ang “Sunshine” ay mula sa direksyon ni Antoinette Jadaone na tungkol sa isang young gymnast na may pinaghahandaang Olympic competition.
Pero sa kasamaang palad ay bigla siyang nabuntis bago ang nakatakdang tryouts para sa national team.
Dahil diyan, gagawa siya ng mga paraan upang malaglag ang bata sa kanyang sinapupunan.
Tampok din sa pelikula sina Annika Co, Jennica Garcia, Elijah Canlas, Meryll Soriano at Xyriel Manabat.
Kamakailan lang, ang pinagbibidahan ni Maris ay nominadong “Best Youth Film” sa 2024 Asia Pacific Screen Awards.
Ayon kay Direk Jadaone sa isang interview, ang pelikula ay isusumite muna sa ilang international film festivals bago ipalabas sa mga lokal na sinehan.
Magugunitang naging laman ng mga balita si Maris at ang on-screen partner niya na si Anthony Jennings matapos ibandera ni Jam Villanueva, ang ex-girlfriend ng aktor, ang ilang screenshots ng panloloko umano ng dalawa sa kanya.
Noong December 6, binasag nina Maris at Anthony ang kanilang katahimikan tungkol sa “cheating issue” na kanilang kinasasangkutan.
Inamin ng aktres na naging mahina siya ‘nung mga panahon na nagkakamabutihan sila ni Anthony, pero nilinaw niya na hindi siya aware na magdyowa pa rin ang aktor at si Jam.
Ilang beses na raw kasi siyang nagtanong sa aktor kung nagkabalikan sila ng ex-dyowa bilang nauna nang sinabi ni Anthony na wala na sila ng girlfriend.
Si Anthony naman ay todo sorry sa dalawang babae at inako ang kanyang pagkakamali.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.