Abokado o apple? Chesa o grapes? Saging na arnibal o pears?
Noong nakaraang Miyerkoles ay kabilang sa mga binayo ng bagyong Glenda ang Calabarzon. Isa sa mga nasalanta ang katimugang bahagi ng Cavite, partikular ang mga bayan ng Silang, Indang at Magallanes, kung saan nanggagaling ang karamihan ng mga bungang kahoy at prutas na ibinebenta sa mga palengke ng lalawigan.
Binisita ko ang pamilihang bayan ng Cavite City noong nakaraang Sabado upang imbestigahan ang pamemeste ni “Glenda.” Sa awa naman ng Diyos ay maliit lamang ang mga pinsalang natamo ng palengke.
Kinausap ko ang aking suki na si Aling Lisa na taga-Magallanes dahil napansin ko na marami pa rin siyang binebentang mga prutas.
Aniya, nakapag-ani na sila isang linggo bago dumating ang bagyo. Kaya lang, dagdag niya, ay napakatumal ng benta kahit murang-mura ang kanyang mga panindang prutas dahil halos walang namamalengke,
Organic label
Usung-uso ang “tatak organic” sa mga prutas at gulay sa mabibili sa mga pangunahing supermarket, ngunit di kayang bilhin ng mga ordinaryong mamimili.
Isang halimbawa ay ang kamatis na halos P100 kada kilo. Ikumpara mo ito sa P40 kada kilo ng ordinaryong kamatis na ginamitan naman ng pestesidyo at kung anu-anong kemikal na masama sa katawan.
Kaya tanging mga may-kaya lamang ang nakakabili ng mga produktong organic, lalung-lalo na sa mga pangunahing lunsod.
Ngunit sa mga pamilihang bayan sa mga lalawigan ay makakahanap ka pa rin nito sa murang halaga.
Karamihan sa mga bungang-kahoy sa Indang at Magallanes ay hindi ginagamitan ng mga pestesidyo. Pinauusukan lamang ang mga ito.
Kung pagmamasdan mo nga ang mga balat ng prutas, mayroon silang mga mantsa at ang ilan ay may tuka ng ibon at mga maliliit na kulisap at organismo.
Ni minsan ay hindi binansagan ng mga tindera o magsasaka na “organic” ang kanilang mga ani dahil sa hindi nila alam ang ibig sabihin nito, ngunit ito ay ang kanilang kinagisnan.
Tulad ng mga nakalarawang bungangkahoy, ang mga ito ay walang etiketa ng malalaking multi-national companies na makikita sa mga supermarket.
Isang pagpapatunay at pamantayan na ang mga ito ay “organic’” ay ang mga ito ay iba’t ibang hugis at laki, kahit isang puno lamang ang kanilang pinanggalingan.
Maganda naman ang balat at halos pare-pareho ang hugis at laki ng mga prutas na GMO o Genetically Modified Organism. Isa sa mga dahilan kung bakit ang mga ito ay nabibili sa murang halaga ay dahil ang mga ito ay inimbak sa palamigan at inispreyan ng mga kemikal upang makatulong na maantala ang proseso ng pag-hinog.
Katutubong bungangkahoy
Mas gugustuhin ko ang bumili ng mga katutubong prutas dahil hindi ito nagtataglay ng mataas na carbon footprint. Ang rason ay hindi gumamit ng maraming petrolyo sa pag-aangkat nito dahil hindi malayo ang pinanggalingan ng mga ito.
Kailangan nating tangkilikin ang mga katutubong prutas dahil kung wala nang bibili nito, mapipilitan ang mga magsasaka na putulin na lamang ito at palitan ng mga cash-crop na pananim.
Ilan sa mga natatanging prutas na paninda ni Aling Lisa ang abokado (Persea americana) o alligator pear, chesa (Pouteria campechiana) o canistel o yellow sapote, at chico.
Mabili rin daw kay Aling Lisa ang saging na saba, na isang uri ng saging na hybrid ng dalawang species ng saging: ang Musa acuminata at Musa balbisiana.
Saba, arnibal
Isa ito na masasabing tunay na katutubong prutas ng Pilipinas. Karaniwan, niluluto ito bilang banana-cue at turon at hindi kinakain kung hindi luto. Sangkap din ito sa nilagang baka na nagbibigay tamis sa sabaw at piniprito ito at hinahain kasama ang Arroz a la Cubana.
Mainam na kainin ang saging na saba na hindi niluto dahil mayaman ito sa potassium at sa taglay nitong fiber at mababang antas ng asukal, na bagay sa mga manlalaro at mga diabetiko.
May isang uri ng saging na walang kaparis– ang arnibal. Ang arnibal ay isang mestisong saging na pinaghalong saba at latundan. Hindi ito sikat dahil ang balat nito ay halos singkapal ng saba ngunit ang loob nito ay lasang latundan.
Dahil batik-batik at may mantsa ang balat nito, hindi ito masyadong pinapansin ng mga mamimili. Huwag nating husgahan ang pabalat ng saging na ito dahil bukod sa ito ay masarap, ito ay mabibili sa murang halaga: 80 sentimos lamang kada piraso!
Sa panahon ng tag-ulan, naglalabasan rin ang mga santol (Sandoricum koetjape). Mabuti na lamang at hindi nasalanta ang mga santol noong nakaraang bagyo. Dahil ang balat nito ay makapal, ligtas ito sa mga peligro na dulot ng masamang panahon o kahit sa pag-aani at pag-iimbak.
Siguro, dahil na rin sa tadhana ng klima, inangkop ng santol upang lagpasan ang pait ng panahon. Kaya kahit may bagyo, matibay ang santol.
Masarap kainin ang santol tuwing tag-ulan, asin lang katapat nito. Kahit may asim ang laman nito, manamisnamis naman ang mala-bulak na nababalot sa kanyang buto.
Napapanahon, marami at mura ang santol ngayon. Alam ba ninyo na ang santol ay maaari ring lutuin bilang gulay?
Abangan ang susunod na linggo ang sipi ng Bandehado para sa mga natatanging resipi na tampok ang santol, chesa at saging.
Kung may katanungan o mungkahi, mag text po lamang sa 09175861963. Huwag kalimutan ang pangalan at lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.