Hamon ng Bulakan, Pamanang Kaluto ni Ka Mila Enriquez
Alam ba ninyo na sa Bulacan ay may biskwit na sinasangkapan ng dahon at tinatawag na gorgorya, ang kanilang hamon ay pinaplantsa at ang kanilang empanada ay may kaliskis?
Ilan lamang iyan sa mga natatanging lutuin na alay ng bayan ng Bulacan na aming natuklasan nang kami ay nagliwaliw kasama ang pamunuan, mga kasapi at kaibigan ng Culinary Historians of the Philippines (CHOP).
Ito ang pangatlong food tour na inorganisa ng CHOP sa taong ito. Ayon kay Regee Tolentino Newport, layunin ng CHOP ang tuklasin, pahalagahan, isulong at pagyamanin ang lutuing Pilipino.
Nagtipun-tipon ang mga eskursyonista sa hardin ng likod-bahay ng Enriquez ancestral home at kami ay malugod na tinanggap ni Rheeza Hernandez na isa ring miyembro ng CHOP.
Kanyang ipinaliwanag na kami ay nasa bayan ng Bulacan, Bulacan, ang dating kapitolyo ng lalawigan ng Bulacan. Bago magsimula ang food tour, kami muna ay inalayan ng isang tradisyonal na pagbati ng maligayang pagdating.
Ang makatang si Jeremy Lord Bancil ay nagbigkas ng matatamis na salita. May putongan din na naganap, kung saan binigyan niya ng papuri ang magagandang dilag.
Hamon ng Bulakan
Matapos ang putongan ay ipinamalas sa amin ni Rheeza ang paggawa ng Hamon ng Bulacan, na ginamitan ng liempo at inasnan ng asin na bastos o ang klase na magaspang at hindi pino.
Kagila-gilalas nang pinaso ni Rheeza ng nagbabagang aserong siyanse ang hamon na binudburan ng asukal. Sumilab ang pinaghalong init, asukal at taba ng baboy.
At parang alkemiya at salamangka, naging karamelisado ang asukal at naging pangalawang balat ng hamon. Pagkatapos ay ipinalaman namin ang hamon sa tinapay na ang tawag ay Bonete dahil ang hugis nito ay sumbrero ng kusinero.
Kilala rin ito sa pangalan na Bowling. Malinamnam na may pinaghalong tamis at alat ang hamon. Hindi ito tuyo, may halumigmig at naaaninag ang lasa ng pinya at serbesa.
Habang kami ay kumakain ng hamon at bonete, nagkwento naman si Roly Marcelino tungkol sa iba’t ibang aspeto ng pagkain at kasaysayan ng Bulacan.
Kanyang pinaliwanag ang iba’t-ibang impluwensya ng lutuin, mula sa kaparian at kumbento hanggang sa mga mararangyang tahanan na may kusinero de campanilla.
Si Roly ay aktibo sa mga programang pang-sining at kultural sa mga bayan ng Bulacan at Malolos.
Bahay na luma
Pagkatapos ng aming merienda, kami ay ipinasyal ni Konsi Boyet Enriquez sa kanilang ancestral home. Kapansin-pansin ang silong ng tahanan na maraming kagamitan na pang-teatro. Ito pala ay talagang ginagamit nila bilang venue sa kanilang mga palabas.
Katunayan, ang tahanang ito ang headquarters ng VSE Productions na pinamumunuan ni Vicente “Bong” Enriquez, ang pangulo ng Women of Malolos Foundation.
Kamakailan ay nagpalabas ang grupo ng mga orihinal na historical musical plays at sa kakatapos lamang na Kuwaresma ay nagtanghal sila ng senakulo, na taun-taon na nilang panata mula pa noong 2004.
Kahit luma na ang bahay, nagtataglay pa rin ito ng buhay at sigla dahil sa mga gawain na pumamalibot dito. Maaari mo itong tawaging dambana ng sining o templo ng pamanang pagkain ni Milagros Enriquez dahil dito rin ginagawa ang “Pamana ni Ka Mila,” mga iba’t ibang produkto na gawa sa sasa, tulad ng suka, tuba at nipa palm syrup.
Hindi rito magwawakas ang kwento ng Kaluto ni Ka Mila Enriquez. Abangan ang iba pang mga kwento sa isang linggo.
Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at
lugar. Salamat po.
HAMON NG BULAKAN
(Hango mula sa aklat na “Kasaysayan ng Kaluto ng Bayan” ni Milagros S. Enriquez)
ANG kalutong ito ay paborito ng mga taga-ilog sapagkat ito ay imbak na pagkain.
Noong unang panahon ay salitre lamang ang gamit sa pang-imbak sapagkat wala pang refrigerator. Inasnan kung tawagin ang kalutong ito ng mga unang kusinero.
Ang ginagamit ay liempo ng baboy sapagkat madaling tablan ng asin at salitre.
Naging paborito ito ng mga prayle dahil kailangan na may nakahanda silang pagkain para sa mga panauhin sa kumbento, lalo na iyong mga buhat pa sa malayong lugar.
Maaaring gamitin ang manok sa kalutong ito kung nais.
Mga Sangkap
1 kilong liempo ng baboy
Panimpla
4 kutsarang asukal
2 kutsarang asin pino
1 kutsaritang prague powder
Pagpapakuluan
2 tasang katas ng pinya
2 kutsarang asukal
1 tasang serbesa o 1/4 tasang alak
Pangaahin
2 tasang asukal
Maghanda ng mainit na aserong siyanse
Pamamaraan
Alisin ang balat at buto ng liempo at linising mabuti. Tusuk-tusukin ang liempo at ihalo ang mga panimplang sangkap. Ipasok sa palamigan sa loob ng tatlong araw. Bago lutuin, hugasang mabuti. Ilagay sa pagpapakuluan, isalang sa mahinang apoy hanggang ang sarsa ay lumapot.
Hanguin mula sa sarsa, punasan at patuyuin. Maaari na itong iimbak muli sa palamigan.
Bago ito ihain, budburan ito ng puting asukal at saka plantsahin gamit ang nagbabagang siyanse upang mabalot ang hamon sa karamelisadong asukal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.