Kwento ng tunay na pag-ibig: Love in time of ‘Yolanda’
SA pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, iba’t-ibang kwento ng pag-ibig ang ating natutunghayan — andiyan ang mga istorya ng tagumpay at maging pagkabigo. Ang maganda lang, lahat ay nakapagdudulot ng aral at maging inspirasyon ang kwento ng mga tunay na pag-ibig.
Hindi bat narinig na ninyo ang pagpapakasal ng isang magsing-irog ilang araw matapos ang hagupit ng super typhoon na Yolanda. (Bukas abangan ang buong kwentong ito).
Isa pang halimbawa ng tunay na pag-ibig na sakabila ng kalamidad ay nangingibabaw pa rin.
Ito ay tungkol sa 31-anyos na Canadian engineer mula Montreal, Canada na nagtungo sa Pilipinas para lang hanapin at masigurong ligtas ang Pilipinang kasintahan na biktima ni “Yolanda”.
Naglakbay si Houssam Hammoudi ng 8,000 milya para hanapin lamang ang kanyang kasintahan na si Mary Grace Acojedo.
Nahanap naman niya ang kasintahan ngunit ito ay nasa masamang kondisyon sa isang clinic sa Ormoc at dinala sa Cebu para mapagamot at mabigyan ng kaukulang medical attention.
Kasal na sila ngayon.
Ilang araw matapos magkita at naging maayos ang kalagayan ni Mary Grace, dali-dali siyang inalok ng kasal ng kasintahang Canadian.
Hindi bat kahanga-hangang kwento ng pag-ibig?
“He is my angel. Without him, I could not imagine what will happen to me in Ormoc,” sabi ng 22-anyos na si Acojedo.
Bago pa engagement at kasalan, regular na may komunikasyon ang dalawa. Ito ay sa pamamagitan ng Facebook at Skype.
Maging ang bagyong Yolanda ay naging topic ng kanilang kwentuhan ilang araw bago pa dumating ang super bagyo.
“She’s been telling me how they’re preparing for the coming of the typhoon,” kwento ni Houssam sa panayam ng Cebu Daily News, sister publication ng Bandera.
Signal No. 4 ang lakas ng bagyong tumama sa Ormoc.
Nang araw na mag-landfall si Yolanda sa Eastern Visayas, hindi na makapag-online si Mary Grace at doon naputol ang ugnayan sa kasintahan.
Nang naging maliwanag na kung gaano katindi ang naging epekto ni Yolanda sa Kabisayaan, matapos na ring naibalik ang suplay ng kuryente sa ilang lugar, dahilan para makapag-post ng mga litrato ang mga mamamahayag at makita ng buong mundo, hindi na mapalagay si Houssam. Hanggang sa nakita niya ang pananalasang tinamasa ng Ormoc na lugar na kinaroroonan ng kasintahan.
“I know there was something bad that happened and it is a matter of life and death here,” aniya.
Nang malaman ng mga kaibigan ni Houssam na ang kanyang kasintahan ay mula sa pinakamatinding rehiyon na tinamaan ni “Yolanda” at madiskubreng ibinenta niya ang kotse sa halagang $800 para mapondohan ang kanyang biglaang pag-uwi sa Pilipinas, dali-dali silang nagpaikot para makaipon ng pera.
“I was really planning to come here in May. I’ve already booked my flight,” sabi niya.
Miyerkules, Nobyembre 13, o halos isang linggo nang manalasa si Yolanda, lumipad si Houssam papuntang Pilipinas.
Dumating si Houssam kinabukasan kung saan niya nakilala ang kapatid na lalaki ng kasintahan.
Nagtatrabaho si Nathaniel bilang call center agent sa Cebu. Sinubukan nilang sumakay ng ferry papuntang Ormoc ngunit hindi sila nakasakay.
“There were so many people wanting to go to Ormoc. It was difficult to get a seat,” sabi niya.
Sa wakas, nakasakay sila sa fastcraft at dumating sila sa Ormoc ganap na 2 p.m.
Nagmadaling pumunta sina Houssam at Nathaniel sa bahay ng mga Acojedo ngunit tanging mga sira-sirang parte na lamang ang kanilang nadatnan. Natagpuan nila si Mary Grace aa isang clinic kung saan siya inaalagaan ng mga kapitbahay.
Sa unang pagkakataon, nagkita ng personal ang magkasintahan at nagyapakapn.
Nabali ang panga, kamao, daliri ni Mary Grace at nagkaroon din siya ng mga malalim na sugat sa mukha at katawan.
Kinakailangan niyang sumailalim sa operasyon para hindi siya tuluyang maputulan ng binti.
“I did not expect him to look for me. I told my mother to tell him not to come over and just tell him that I was fine,” kwento ni Mary Grace.
Binayaran agad ni Houssam ang nagastos sa clinic. Binuhat na ito palabas ng clinic at naglakad ng 500 metro bago sila makakita ng tricycle na nagdala sa kanila sa pier.
“I was so embarassed because I was heavy and he carried me all the way up to the boat,” dagdag pa ni Mary Grace.
Pagkarating sa Cebu, dinala ni Houssam si Mary Grace sa isang pribadong ospital kung saan siya sumailalim sa operasyon.
Gumastos si Hammoudi ng halos kalahating milyong piso para sa serye ng operasyon ni Mary Grace.
Inilunsad niya ang isang blog na “Operation Saving Grace” kung saan niya ikinuwento kung paano siya nakarating sa Ground Zero at umapela para sa donasyon.
Dalawang araw matapos niyang ilunsad ang blog, nakalikom siya ng kalahating milyon para sa pagpapagamot ni Mary Grace.
Aabot sa 700 katao mula sa iba’t-ibang basa ang nagbigay ng tulong para sa “Saving Grace.” —Cebu Daily News, isinalin sa Filipino ni Bella Cariaso
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.