SA mga taong nanggigigil sa mga naninigarilyo sa mga lansangan, partikular sa Edsa, asahan nang muli na naman silang maaasar.
Kahapon ay inutusan ng Mandaluyong Regional Trial Court ang Metropolitan Manila Development Authority na ihinto ang panghuhuli nito ng mga naninigarilyo sa pampublikong lugar kabilang na ang Edsa, mga lansangan at sidewalk.
Sa anim na pahinang desisyon ni Judge Carlos Valenzuela, sinabi nitong labag sa batas ang no-smoking policy ng MMDA.
Inilabas ng korte ang Temporary Restraining Order (TRO) matapos maghain ng reklamo sina Antony Clemente at Vrianne Lamsonang, na nahuli ng MMDA na naninigarilyo sa Edsa noong Hulyo.
Iginiit ng dalawa na mismong ang Korte Suprema na ang nagsabing walang police power ang MMDA dahil ito’y isang development agency lang.
Wala rin umanong legislative authority ang MMDA para palawakin ang ibig sabihin ng pampublikong lugar batay na rin sa Republic Act (RA) 9211 o Tobacco Regulations Act.
Sinang-ayunan ni Valenzuela ang katwiran ng dalawa at sinabing nakasaad sa RA 7924 o ang batas na bumuo sa MMDA na walang police o legislative power ang ahensya.
Wala rin umanong kapangyarihan ang MMDA na ipatupad ang RA 9211 dahil eksklusibong karapatan lamang ito ng Inter-Agency Committee na pinamumunuan ng Department of Trade and Industry (DTI).
“This court, therefore, finds that there is an extreme urgency and paramount necessity on the matter at issue which this court has to restrain to prevent grave injustice and irreparable injury as may be sustained not only by petitioners but also by the unwary public,” ani Valenzuela. – Marvin Balute
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.