Russian vlogger maloko pa rin; Hindi pa ide-deport, kakasuhan muna sa Pilipinas

PHOTO: Screengrab from DILG Philippines
HINDI pa tapos sa kanyang mga kalokohan ang Russian YouTuber na si Vitaly Zdorovetskiy na naaresto kamakailan dahil sa umano’y pangha-harass sa ilang Pilipino.
Sa kabila ng pagkakadampot sa kanya, nanatiling pasaway si Zdorovetskiy nang iprisinta siya ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa isang press conference nitong Lunes, April 7, ayon sa ulat ng INQUIRER.
Nakasuot ng orange na prison uniform at nakaposas si Zdorovetskiy, pero hindi ito naging hadlang para agawin niya ang sumbrero ng isang pulis na nasa kanyang kaliwa.
Ginawa rin niya ang “L” sign habang ipinapaliwanag ni Remulla ang mga kasong kakaharapin nito.
Baka Bet Mo: Russian-American vlogger posibleng ideklarang persona non grata –Malacañang
Ayon sa DILG, hindi pa muna ide-deport si Zdorovetskiy.
Sa halip, isasailalim muna siya sa legal na proseso sa Pilipinas.
“Hindi siya agad ide-deport. Kailangang harapin muna niya ang mga kasong isinampa laban sa kanya rito sa bansa,” sey ni Remulla.
Kamakailan, nag-viral ang ilang videos ni Zdorovetskiy kung saan makikitang inaagaw niya ang sombrero ng isang security guard, sinubukang kunin ang baril ng isa pang guwardiya, at tinangkang holdapin ang isang babae sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.
Dahil dito, agad siyang inaresto at ngayon ay nakakulong na sa isang detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Si Zdorovetskiy ay may mahigit 10 million subscribers sa YouTube, kung saan kadalasan ay mga prank videos ang laman ng kanyang channel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.