Russian-American vlogger timbog sa panghaharas ng mga Pinoy sa BGC

Vitaly Zdorovetskiy
ARESTADO ang Russian-American vlogger na nag-viral sa social media dahil sa ginagawa niyang panghaharas sa ilang Filipino sa Bonifacio Global City.
Kinilala ang naarestong vlogger na tinaguriang “undesirable foreign national” na si Vitaly Zdorovetskiy na siyang nasa likod umano ng pambabastos sa ilan nating kababayan sa bisinidad ng BGC.
Base sa report ng Bureau of Immigration (BI), ang 33-anyos na si Zdorovetskiy ay nadakip matapos ireklamo ng mga security guard at ilang empleyado ng mga mall sa Taguig City.
Nakasama ng BI sa pag-aresto sa suspek ang mga operatiba ng Makati City PNP at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Nakorner si Zdorovetskiy sa Seaside Boulevard, Pasay City.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI ang foreigner sa Immigration facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang pagproseso sa kanyang deportation.
“The Philippines welcomes visitors from all over the world, but those who abuse our hospitality and violate our laws will be held accountable,” ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.
Aniya pa, “Harassment and disruptive behavior have no place in our society, and we will take swift action against offenders.
“Our laws exist to protect the welfare of Filipinos. Let this serve as a reminder that while we welcome visitors, those who fail to respect our people and our laws will face the consequences,” aniya pa.
Sabi naman ni CIDG director Maj. Gen. Nicolas Torre III, “We have read the online outrage and we coordinated with other authorities for proper actions against the subject. We cannot just let this incident pass.”
Base sa ilang video ng arestadong foreigner, may pagkakataon na pinagaruan pa nito ang sumbrero ng guwardiya ng mall at tinangka pang agawin ang baril nito.
May petition na rin sa Change.Org para pagbawalan si Zdorovetsky sa lahat ng mga social media platforms dahil sa cyberbullying sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.