TOL suportado ang pagpapalakas ng pwersa ng Philippine Navy sa West PH Sea
NAGPAHAYAG ng buong suporta si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa reorganisasyon ng naval forces ng bansa para palakasin ang depensa ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) sa gitna ng patuloy na panggigipit ng China.
“Yung pagpapalakas ng ating Western Philippine Sea order of battle, batay sa inanunsyo ng Philippine Navy ay nagpapakita ng dinamismo ng ating sandatahang lakas, at ng kahandaang gampanan ang kanilang tungkulin para protektahan ang ating teritoryo at soberanya,” sambit ni Tolentino, Chairman ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones.
Magugunita na si Tolentino ang unang nagpanukala sa pagbubuo ng West Philippine Sea Command sa pamamagitan ng pag-iisa ng Western Command at Northern Luzon Command ng sandatahang lakas.
Baka Bet Mo: Rocco Nacino level up ang pagiging reservist, isa nang honorary member ng ‘Navy Seal’
“Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Philippine Maritime Zones Law, kailangan natin ng bagong command na nakatutok sa maritime security at pagpapabuti ng kakayahan nating rumesponde sa WPS,” sey ng senador noong Pebrero.
“Umaasa rin ako na tutungo ito sa mas mahusay na koordinasyon sa pagitan ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police Maritime Group,” dagdag pa ni Tolentino, isang Brigadier General reservist ng Philippine Army.
Aniya, ang pagkakaroon ng isang unified command sa WPS ay makakatulong para mobilisahin ang pamunuan, rekurso, at operational capabilities ng ating mga pwersa para mapangalagaan ang ating maritime domain.
Nakabase sa Puerto Princesa City, pinangangasiwaan ng Naval Forces West ang maritime security sa Palawan, kabilang ang Kalayaan Island Group sa WPS.
Samantala, sakop naman ng hurisdiksyon ng Naval Forces Northern Luzon na nakabase sa San Fernando, La Union, ang Panatag Shoal, Balintang Channel na nakahanap sa Taiwan, at ang Talampas ng Pilipinas na nasa eastern seaboard ng bansa.
Si Tolentino ang punong may-akda at isponsor ng makasaysayang Philippine Maritime Zones Law (Republic Act 12064) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.