Willard Cheng bagong news anchor ng ‘Agenda’ sa Bilyonaryo News Channel

Willard Cheng, Korina Sanchez at Pinky Webb
MAY bagong makakasama sina Korina Sanchez-Roxas at Pinky Webb sa paghahatid ng pinakabagong balita at masusing pagsusuri ng mga kaganapan sa lokal at pandaigdigang antas.
Sasabak na rin ang batikang mamamahayag na si Willard Cheng sa Bilyonaryo News Channel bilang co-anchor ng pangunahing primetime newscast na “Agenda.”
May 20 taon ng malawak na karanasan sa pag-uulat si Cheng na kumober sa Malacañang sa ilalim ng tatlong pangulo at nag-ulat sa mga pangunahing political beats, kabilang ang Senado, Kamara, Comelec, Department of Foreign Affairs (DFA) at marami pang iba kabilang ang pag-uulat sa mga pagbisita ng mga pangulo at pandaigdigang summit.
Kilalang-kilala si Willard sa pagbibigay ng mga mahahalagang balita at sa kanyang political at research expertise na nagpapadali sa mga kumplikadong isyu sa politika at diplomasya para sa mga manonood.
Ang kanyang komprehensibong live reporting sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015 ay nakakuha ng malawak na pagkilala, sapagkat hindi lamang siya nag-ulat ng mga kaganapan kundi nagbigay din ng mahahalagang pananaw tungkol sa Santo Papa at sa Simbahang Katoliko, na nakakaengganyo sa mga manonood sa mas malalim na emosyonal na antas.
Dalawang beses ding napili bilang fellow ng prestihiyosong International Visitor Leadership Program ng U.S. Department of State si Cheng. Nagtapos si Willard sa Ateneo de Manila University at Saint Jude Catholic School.
Tutukan ang Bilyonaryo News Channel na libreng mapapanood sa BEAM TV 31, cable television sa Sky Cable 33, Cignal Channel 24, Converge 74, at sa digital media sa Cignal Play.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.