David Chua nakita uli ang ama makalipas ang 2 dekada, patay na

David Chua muling nakita ang ama makalipas ang 2 dekada, pero patay na

Ervin Santiago - March 25, 2025 - 12:50 AM

David Chua muling nakita ang ama makalipas ang 2 dekada, pero patay na

David Chua

PARANG eksena sa teleserye at pelikula ang nangyari sa muling pagkikita ng actor-director na si David Chua at ng kanyang amang si Gerson Kummer Mallillin.

Ibinalita ni David na pumanaw na ang kanyang ama nito lamang nagdaang Friday, March 21, sa edad ha 70. Kinabukasan, March 22 ay nakausap namin ang binata sa kanyang tahanan sa Tondo, Manila.

Doon nga niya naikuwento na makalipas ang mahabang panahon ay muli niyang nakita nang personal ang ama, yun nga lang – patay na ito at nasa punerarya na.

Hindi raw siya nagbigyan ng pagkakataon na makita at makausap ang kanyang tatay bago man lang ito sumakabilang-buhay at tuluyang mamaalam sa mundo.

Kuwento ni David, nang malaman niyang wala na ang ama ay agad siyang nagtungo sa ospital at punerarya kung saan dinala ang labi nito. Siya raw ang nagbayad ng bills sa ospital at nag-ayos sa paglabas ng labi ng ama.

“Noong sinabi sa akin kahapon (March 21) na sumakabilang-buhay na ang tatay ko, pinuntahan ko siya sa Antipolo. Inilabas ko sa hospital kasi walang panglabas, so ako ang naglabas.

“Ako rin ang nag-asikaso ng kanyang proper burial kasi ang huling bilin niya, gusto niya na i-cremate,” ani David.

Ayon pa sa aktor at model, 13 years old siya nang huli niyang makita ang ama at 35 na siya ngayon. Nagkakausap lang daw sila online at bihira lang daw yun mangyari.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by DAVID CHUA (@daviduychua)


Sa pagkakalaam daw niya ay 16 silang magkakapatid at lahat ay panganay. Meron daw siyang mga kapatid dito sa Pilipinas at meron din sa ibang bansa, “Meron sa UK, sa Amerika, sa Qatar, meron sa Dubai. So, ang dami talaga.”

Nag-try ba siyang mag-reach out sa tatay niya noong buhay pa ito? “Hindi na kasi medyo hindi kami mag-jive sa connection.

“Kumbaga, sumalangit nawa ang tatay ko, e, sabi niya sa akin, kaibigan daw niya si Andres Bonifacio saka si Jose Rizal. E, paano naman yung timeline noon? Saka totoo raw yung UFO, nakakausap daw niya.

“Paano ka naman makaka-relate sa ganu’ng klase ng usapan, kung ganoon ang conversation n’yo? Kaya wala akong masyadong relationship sa aking tatay. Tapos English speaking pa siya, e, hindi naman ako ma-English,” lahad pa ni David.

Ang mensahe naman niya sa yumaong ama, “Sana magkapatawaran na kami. Pinapatawad ko na siya, sana ganu’n din siya sa akin. Although may pagkukulang siya, pero…rest in peace, pinapatawad ko na siya.”

Nabanggit din niya na may panghihinayang din siyang naramdaman nang malamang wala na ang ama, “Ako, pinakawalan ko yung butas ng oportunidad na napakanipis. Sana pinuntahan ko siya kaysa nakausap ko siya na isa nang bangkay.”

“Nasa freezer na kasi siya nang makita ko. Sabi ko sa mga tauhan ng punerarya, ‘Puwedeng bigyan ninyo muna ako ng two minutes lang?’

“Lumabas sila, kinausap ko ang tatay ko, hinawakan ko ang ulo niya. Kinausap ko siya sa isip ko. Sabi ko, rest in peace. Pinapatawad ko na siya, sana ganoon din siya sa akin although may pagkukulang siya.

“May ibinulong ako sa kanya. Sabi ko, ‘I’m sorry hindi kita napuntahan noong buhay ka pa. Napatawad na kita.’

“Nakahanap ako ng closure noong kinausap ko siya. Pagkatapos noon, parang lumuwag yung dibdib ko na parang yung dinadala ko dati, nawala na. Kasi alam ko, kakampi ko ang nanay ko, nasa langit na.

“Nagkaroon pa siguro ako ng isang anghel na kakampi ulit, kaliwa’t kanan na sila sa langit. Tingin ko naman po na tutulong sa akin,” ani David.

Pumanaw ang nanay ni David limang taon na ngayon ang nakalilipas kaya ulilang lubos na siya ngayon, “Malaking bagay yung wala kang tatay. Lahat ng mga pinsan ko may pamilya, lahat sila kumpleto. Ako, nag-iisa. Namatay pa ang nanay ko noong 2020.

“Tapos nagsara pa noon ang ABS-CBN, nawalan ako ng trabaho, pandemic pa. Sunud-sunod pero ayoko nang isipin iyon kasi nakatayo naman ako ngayon. Kaya ko ang sarili ko, so okay na iyon,” pagbabahagi pa niya.

Turning 36 na si David bukas, March 26, at ito ang kanyang birthday wish,  “Ang birthday wish ko, gusto ko muna yung kaluluwa ng aking mga minamahal, nanay ko, tatay ko, e, talagang mamayapa na.

“Yung talagang namamahinga na. Ayoko yung naliligaw pa yung mga kaluluwa nila, kung naniniwala ho kayo sa mga ganyan. Yun ang aking hiling.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by DAVID CHUA (@daviduychua)


“At siyempre, yung aking kalusugan kasi almost araw-araw, pukpukan na ang kampanya. Wala nang tulog. Saka pangatlong hiling ko, kung ano man ang ibibigay ng Panginoon, tatanggapin ko,” ani David.

Tumatakbong konsehal sa 2nd District ng Maynila si David ngayong May, 2025 elections kaya naman pansamantala muna siyang nagpaalam bilang isa sa mga direktor ng programang “Rated Korina” ni Korina Sanchez.

Bakit nagdesisyon siyang pasukin na rin ang politika? “As a director, I’m always sent to different places, kung saan-saang lugar kami nagsu-shoot. Kapag tinatanong nila kung tagasaan ako, parang may takot sila pag sinabi kong Tondo.

“Kaya sabi ko hanggang ngayon may isyu pa rin ang ilang kababayan natin sa imahe ng Tondo. Baka hindi siya napo-promote nang mabuti.

“There’s a stigma when you say Tondo. So, if I can promote other provinces, why can’t I promote Tondo, kung saan ako lumaki.

“Kaya yan ang una kong gagawin kapag nabigyan tayo ng chance sa konseho, ang i-promote ang Tondo and then work. Gusto ko rin yung pagpapatupad ng konsepto ng Tondo expo,” sabi pa ni David.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Isa pa sa adbokasiya ng aktor at direktor ay ang pagsusulong sa mas mataas na kalidad ng edukasyon para sa mga kabataan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending