BABAE AKO: Mga PDL sa Correctional Institution for Women may libreng makeup tutorial

PHOTO: Facebook/Kababaihan
BILANG bahagi ng paggunita ng Women’s Month, nagkaroon ng libreng makeup workshop ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong.
Nangyari ito noong March 17 sa tulong ng local beauty brand na Strokes Cosmetics at opisina ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Atty. Margarita Gutierrez.
Ang inisyatiba ay bahagi ng Project ARTE ng DOJ, isang programa na nagtuturo ng mahahalagang kasanayan at nagbibigay ng pangkabuhayang oportunidad sa kababaihang PDL.
Ang mga PDL na lumahok ay malapit nang lumaya.
Baka Bet Mo: 19 inmates ng QC Jail Female Dormitory nakapagtapos ng pag-aaral
Ilan sa kanila ay makakalabas na sa loob ng ilang linggo, ang iba naman ay sa loob ng ilang buwan.
Mahalaga para sa kanila ang nasabing workshop para sa kanilang pagbabalik sa lipunan.
Ayon kay CIW Deputy Superintendent for Reformation C/Insp. Marlyn Sulpot, ang ganitong mga programa ay nakakatulong hindi lang sa personal na pag-unlad, kundi pati na rin sa pagkakaroon ng oportunidad na kumita.
“Ang makeup artistry ay hindi lang isang malikhaing paraan ng self-expression kundi isang oportunidad upang mapaigting ang kumpiyansa sa sarili at mabigyan ng bagong pag-asa. Bawat babae, anuman ang kanyang pinagdaraanan, ay may karapatang maramdaman ang ganda, kumpyansa sa sarili, at dignidad,” sey niya.
Ipinahayag naman ni Gutierrez ang kanyang pasasalamat sa Strokes Cosmetics at CIW sa pagsuporta sa nasabing inisyatiba.
“Masaya ako na naisakatuparan na ang workshop na ito. Ang makita ang saya ng ating mga PDL ay isang napakalaking tagumpay,” saad ni Gutierrez.
Patuloy niya, “Ang workshop na ito ay hindi lamang tungkol sa makeup—ito ay tungkol sa kumpiyansa, empowerment, at panibagong simula. Sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan, maaaring makatulong ang mga natutunang kasanayan sa pagbubukas ng bagong oportunidad, kabilang na ang pagkakaroon ng kabuhayan.”
Binigyang-diin naman ni Strokes Cosmetics Marketing and Public Relations Head Amberlly Tumanan ang pangako ng kanilang brand sa pagsuporta sa mga programang pangkababaihan.
“Naniniwala kami na ang kagandahan ay may mas malalim na layunin—ang palakasin at bigyang-inspirasyon ang kababaihan, anuman ang kanilang pinagdaraanan. Ang workshop na ito ay sumasalamin sa adhikain naming tulungan silang maabot ang kanilang pinakamagandang potensyal,” sambit ni Tumanan.
Matapos matanggap ang kanilang makeup kits mula sa Strokes Cosmetics, masayang sinubukan ng mga PDL ang kanilang bagong natutunang kasanayan.
Nagpaabot sila ng taos-pusong pasasalamat sa mga nag-organisa ng programa na nagbigay sa kanila hindi lang ng kaalaman kundi pati ng mga kagamitan na maaaring makatulong sa kanilang muling pagbangon.
Pinuri ng CIW si Gutierrez sa kanyang patuloy na suporta sa mga programang nagpapalakas sa kababaihan at nagbibigay ng kasanayan para sa rehabilitasyon ng mga PDL.
Kinilala rin nila ang Strokes Cosmetics sa kanilang makabuluhang kontribusyon na nagpapatunay na ang kagandahan ay maaaring maging daan sa muling pagtatayo ng kumpiyansa at bagong simula.
“Ang inyong presensya rito ay isang patunay na ang malasakit at suporta ay may kakayahang baguhin ang buhay. Hindi lang kayo nagtuturo ng makeup techniques, kundi tumutulong din kayong maibalik ang tiwala sa sarili ng aming mga PDL,” ani Sulpot.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.