‘Project ARTE’ tugon sa rehabilitasyon ng kababaihang PDL
BINABAGO ng Project Arts, Crafts, and E-Commerce (Project ARTE) ng Department of Justice (DOJ) ang mukha ng rehabilitasyon ng mga persons deprived of liberty (PDLs) sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang kasanayan at kumikitang kabuhayan.
Ang pangunahing inisyatibong ito ay pinagtutulungan ng DOJ, Bureau of Corrections (BuCor), Correctional Institution for Women (CIW), at kamakailan, ang Samahan ng mga Pilipina para sa Reporma at Kaunlaran o SPARK Philippines para bigyan ng oportunidad ang mga kababaihang PDL na muling maitaguyod ang kanilang dignidad at mga sarili.
Pinangunahan ni DOJ Undersecretary Margarita Gutierrez ang inisyatibong ito na nagbigay-diin sa mas malalim na layunin ng programa.
Wika niya, “Hindi lamang ito tungkol sa pagtuturo ng kasanayan o pagbibigay ng kabuhayan—ito’y tungkol sa pagbibigay ng ikalawang pagkakataon sa mga kababaihang PDL upang muling maitaguyod ang kanilang mga buhay nang may dangal. Ang rehabilitasyon ay nagsisimula sa pagbibigay sa kanila ng bagong oportunidad, at ang Project ARTE ang paraan namin upang mamuhunan sa kanilang kinabukasan.”
Baka Bet Mo: Trabaho, kabuhayan sa mga barangay titiyakin ni Loren Legarda
Sa ilalim ng Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan kamakailan ng DOJ at SPARK Philippines, nakasaad ang mga responsibilidad ng bawat organisasyon. Ang DOJ ang mangunguna sa pagbabalangkas ng polisiya at implementasyon ng programa, habang ang BuCor at CIW naman ang magtatalaga ng mga pasilidad at pipili ng mga kwalipikadong PDL na makikinabang sa nasabing proyekto.
Ang SPARK Philippines, na sinusuportahan ng mga entrepreneurs gaya ng bag designer na si Zarah Juan ay may mahalagang papel sa pagkonekta ng mga produkto ng PDL sa mas malawak na merkado.
Pinuri ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” C. Remulla ang Project ARTE at binigyang-diin ang pagsuporta nito sa mas malawak na layunin ng reporma sa sistema ng bilangguan.
“Sa mga nakaraang taon, gumawa na tayo ng mga makabuluhang hakbang tungo sa pagbabago ng sistema ng bilangguan sa ating bansa upang makamit ang pangmatagalang pagbabago. Ngunit malayo pa ang ating tatahakin. Hinihimok ko ang lahat na patuloy na suportahan ang mga programang tulad ng Project ARTE, lalo na para sa ating mga kababaihang PDL,” ani Remulla.
Sa suporta nina DOJ Undersecretary-in-Charge for the Corrections Cluster Deo L. Marco at BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., ipinapakita ng Project ARTE kung paano maaaring itaguyod ng reporma sa koreksyon ang pagkamalikhain, pag-unlad ng kasanayan, at pagkakaroon ng maayos na kabuhayan.
Ang Project ARTE ay isa lamang sa mga makabagong inisyatibong pinangungunahan ni Undersecretary Gutierrez upang mapalakas ang rehabilitasyon ng mga babaeng PDL.
Sa pamamagitan ng pagtuon sa pagiging malikhain, kasanayan, at pagbibigay oportunidad, ipinapakita ng programa ang pangako ng DOJ na bumuo ng isang mas mahabagin at makabagong sistema ng koreksyon—isang sistema na nagbibigay-daan sa mas maliwanag na kinabukasan, kahit nasa likod ng rehas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.