Gasolina, diesel magmamahal ng piso dahil sa tensyon sa Middle East

INQUIRER file photo
INAASAHANG tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa sa mga susunod na araw.
Ayon sa industry sources na iniulat ng INQUIRER, may dagdag ito na halos isang piso kada litro na dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon sa pagtataya ng Jetti Petroleum, maaaring tumaas ang presyo ng diesel ng P0.40 hanggang P0.60 kada litro, habang ang gasolina naman ay tataas ng P1 hanggang P1.20 kada litro.
Sa hiwalay na abiso ng Unioil, inaasahan ang dagdag sa diesel ng P0.20 hanggang P0.40 kada litro, habang ang gasolina ay maaaring tumaas ng P0.80 hanggang P1 kada litro.
Baka Bet Mo: Xian may nakakalokang hugot sa oil price hike: ‘Ayoko na…pag nagmamahal ako, ang daming taong nagagalit’
Samantala, ayon sa Department of Energy (DOE), inaasahang magmamahal ang presyo ng gasolina ng P0.60 hanggang P1 kada litro, habang ang diesel naman ay P0.10 hanggang P0.50 kada litro.
Bukod dito, posibleng magkaroon din ng bahagyang pagtaas sa presyo ng kerosene na nasa pagitan ng P0.10 at P0.30 kada litro.
“Relevant news that contributed to the said estimated adjustments are rising tensions in the Middle East wherein [the United States] launched military strikes on Houthis,” paliwanag ni Rodela Romero, assistant director ng DOE Oil Industry Management Bureau.
Dagdag niya, kabilang din sa mga salik na maaaring magdulot ng pagtaas sa presyo ng langis ay ang plano ng China na palakasin ang lokal na konsumo at ang datos mula sa gobyerno ng Estados Unidos na nagpapakita ng pagbaba ng imbentaryo ng langis.
“The strong dollar, US [Federal Reserve’s] decision to hold interest rates steady, the renewed prospects of a Russia-Ukraine ceasefire, and recession fears due to the tariff wars have been holding oil prices back,” esplika ng Jetti Petroleum president na si Leo Bellas.
Noong nakaraang linggo, hindi gumalaw ang presyo ng gasolina habang bumaba naman ng P0.20 kada litro ang diesel at P0.40 kada litro ang kerosene.
Batay sa price monitoring ng DOE, ang year-to-date net increase ng gasolina ay nasa P2.15 kada litro, habang P2.85 kada litro naman sa diesel.
Samantala, bumaba naman ng P0.70 kada litro ang presyo ng kerosene.
Para sa kaalaman ng marami, karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang price adjustments tuwing weekend bago ito ipatupad tuwing Martes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.