Shin Min-a, Park Hae-soo bida sa bagong K-Drama na ‘Karma’, babandera sa Abril

PHOTO: Courtesy of Netflix
MULING maghahari ang karma sa pinakabagong crime thriller Korean series na “Karma.”
Ito ay ipapalabas na simula April 4 sa streaming platform na Netflix.
Ayon sa ipinadalang press release, ang kwento ay iikot sa isang nakakakilabot na pangyayari kung mag-uugnay ang kapalaran ng anim na indibidwal sa isang kwento ng kasalanan, lihim, at mapait na pagbabayad ng kanilang nakaraan.
Star-studded ang cast at talagang intense ang storyline ng bagong K-Drama.
Baka Bet Mo: Boy Abunda bumida sa ‘90s-inspired clip para sa ‘The Electric State’
Ito ay pinagbibidahan ng ilan sa pinakamalalaking pangalan sa Korean entertainment at narito ang kanilang magiging role:
Park Hae-soo bilang isang saksi sa isang misteryosong insidente na magtutulak sa kanya sa isang mapanganib na pagtakip sa katotohanan.
Shin Min-a bilang isang doktor na pilit binubura ang kanyang madilim na nakaraan, ngunit isang hindi inaasahang pagkikita ang muling magbubukas ng sugat sa kanyang puso.
Lee Hee-jun bilang isang sugarol na nalulong sa cryptocurrency at ngayo’y nababaon sa utang—handa siyang isugal ang lahat para lang makaalis sa bangin ng pagkakautang.
Kim Sung-kyun bilang isang lalaking natanggal sa trabaho at tinanggap ang isang kaduda-dudang alok, hindi alam na ito ang magpapahamak sa kanya.
Lee Kwang-soo bilang isang dating successful doctor na dahil sa isang maling hakbang ay tuluyang bumagsak ang buhay.
Gong Seung-yeon bilang ang babaeng tahimik na kasama sa lihim ng doktor, ngunit sa kanyang pananahimik, mas lalo lamang lumala ang sitwasyon.
Ang serye ay mula sa direksyon ng batikang Lee Il-hyung.
Ang “Karma” ay isang kwentong puno ng kasakiman, paghihiganti, at hindi matatakasan na tadhana.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.